OLIGARKIYA

MASAlamin

KITANG-KITA sa isyu ng water concessionaire kung sino-sinong mga senador ang nasa bulsa ng oligarkiya at kung anong kapangyarihan mayroon ang mga ito sa pamahalaan.

Imbes na pagupo sa nangyayaring oligarkiya ay patuloy pa rin tayong umaasa at nangangarap na magkaroon ng tunay na kalayaan, sa ating pag-darasal at pananampalataya, umaasa tayong isang araw ay magi­ging totoong malaya tayo mula sa pagkaalipin sa kahirapan, korupsiyon, pang-aabuso at kaapihan.

Ngunit wala pa rin tayong kalayaan magpahanggang ngayon. Sakmal ng oligarkiya ang ating mga hapag-kainan.

Noong panahon ng mga Kastila, gamit ang relihiyon ay nakolonisa tayo, sinunog ang ating mga katutubong alaala hanggang sa loob ng 300 taon ang naiwang alaala na lamang ay ang ating pagiging masunurin sa dikta ng banyaga. Hinayaan nating buwisan tayo ng 50% ng mga banyaga sa ating mga sinasaka, alagang mga hayop at nahuhuling isda. Hinayaan nating hagupitin tayo ng pagmamalupit ng mga Kastila.

Matapos ang mga Kastila ay dumating ang mga Amerikano, pinalabas nilang mga mangmang ang mga Filipino at mga inutil na hindi kayang pama-halaan ang kanilang mga sarili, na kinakailangan ng kalinga ng makapangyarihang Amerika bago tayo palayain. Ganoon na nga ang nangyari, tinanggap natin ang ating kapala­ran, muli ay bilanggo tayo ng mga dayuhan. Mga mangmang daw tayo at tayo ay naniwala, kaya kinailangang isailalim tayo sa ‘public school system’ upang tayo ay hindi na maging mangmang.

Ngunit hindi nagtagal ay dumating naman ang mga Hapon, malupit at ginahasa ang ating mga pambansang yaman at kababaihan. Sa tulong ng Amerika ay napakawalan tayo sa bagsik niya. Nagkaroon tayo ng demokrasya, natutunan natin ang politika at korupsyon na dala nito, ngunit bago pa lamang tayo kaya umaasang mapupulido rin natin ang ating matatawag na sari­ling pamahalaan.

Akala nga natin, sa wakas, ay malaya na tayo, ngunit lubos ang ating pagkakamali. Pinaniniwala tayo na tamad ang Filipino kaya nanatiling bagsak ang ekonomiya.

Hindi tamad ang mga Filipino. Masisipag sila. Ngunit hindi kasi sila malaya, sa sarili nilang bansa ay naghihikahos, kaya nagkakasya na mag-bungkal ng ba­sura para may makain, nagtitiyagang mag-empleyo ng ilang buwan lamang ang kontrata o kaya ay makipagsapalaran sa ibayong-dagat. Hindi sila malaya sa suliranin ng kagutuman kaya naman 15 milyong Filipino ay tumakas sa kahirapan ng bansa upang makapaghanapbuhay sa ibang bansa. Doon gustong-gusto sila ng mga banyaga dahil sa kanilang kasipagan. Nasa 15% iyan ng ating kabuuang populasyon. Maaaring ang 50 milyon pang mga Filipino ay nais ding makapangibang-bayan upang doon hanapin ang kani-kanilang kapalaran.

Ngayon, heto at may pag-asang magkaroon ng pagbabago, ngunit sandamakmak na demonyo ang nagpipista sa Inang Bayan, isama pa riyan ang mga hagupit sa mga mamamayan ng oligarkiya, walang hanggang pamumulitika, at korupsiyon na siyang mga tunay na balakid sa tunay na pagbabago at kalayaan.

Comments are closed.