SUMANDAL ang Filipinas kina FIDE Master Shania Mendoza at Women International Master Marie Antoinette San Diego sa pagsilat sa pinapaborang Slovakia, 2.5-1.5, upang umangat sa kontensiyon matapos ang apat na rounds ng 43rd World Chess Olympiad sa Batumi, Georgia noong Huwebes ng gabi.
Ginulantang ni Mendoza si Woman Grandmaster Zuzana Cibickova sa board three habang pinataob ng 19-anyos na si San Diego si WFM Dominika Ferkova sa board four upang selyuhan ang panalo ng Pinay chessers. Na-split naman ni top board player WGM Janelle Mae Frayna ang puntos kay IM Eva Repkova, habang yumuko si WIM Catherine Secopito kay IM Zuzana Stockova sa second board.
Ang panalo ay naghatid sa Pinas sa No.12 sa 29-country logjam na may tig-anim na match points sa 11-round tournament na ito na nagbibigay ng dalawang puntos sa panalo at isa sa draw.
Makakasagupa ng Pinas na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), ang 25th seed England, na namayani sa El Salvador, 4-0.
Sinawing-palad naman ang PH men’s squad nang malasap ang 1.5-2.5 pagkatalo sa Estonia na pinabilis ng pagkabigo ni IM Jan Emmanuel Garcia kay GM Aleksandr Volodin sa board three.
Nagkasya sina GMs Julio Catalino Sadorra at John Paul Gomez at IM Haridas Pascua sa draws kina GM Kaido Kulaots, GM Ottomar Ladva at FM Ilja Sirosh sa boards one, two at four, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ang mga Pinoy ay sumalo sa 66th place na may four points lamang.
Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng PH makaraang yumuko sa Croatia, 1-3, sa third round.
Comments are closed.