OLYMPIC BERTH TARGET NG PINOY BATTERS

PINOY BATTERS

HABANG nakikipaglaban ang Blu Girls sa Softball World Championship sa Shanghai, China bilang paghahanda sa nalalapit na 30th  Southeast Asian Games, ang mga baseball player naman ay makikipag-sabayan sa mga kalaban sa Olympic qualifying sa Asian Baseball tournament na aarangkada sa Oktubre 6 sa Chinese Taipei.

Sa masusing gabay ni coach Orlando Binarao, katuwang sina Japanese coach Keije Takayama, Ric Jimenez at Edgar de los Reyes, makikipagbuno ang mga Pinoy sa mga manlalaro ng Japan, Korea, China, Sri Lanka at host Chinese Taipei kung saan ang magkakampeon ay magkukuwalipika sa 2020 Tokyo Olympics.

Hindi pa nakapaglalaro ang ­Filipinas sa baseball sa Olympics at ito ang pagkakataon para magkaroon ng katuparan ang kanilang pangarap sa ilalim ng liderato ni PABA president at dating Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Joaquin ‘Chito’ Loyzaga at sa suporta ng PSC na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

Inamin ni coach Binarao, dati ring national player, na mabigat ang kanilang laban dahil Asian level ang kumpetisyon at kalahok ang top two teams sa Asia, ang  Japan at Korea.

“Mabigat man ang haharapin namin ay lalaban kami para sa bansa,” sabi ni Binarao sa panayam sa kanya matapos ang tatlong oras na ensayo.

Dahil ang pitchers ang susi sa tagumpay, pinalakas ni Binarao ang pitching staff, katuwang si Osaka native Kenjie Taka­yama.

“Kailangan ay malakas ang pitching staff dahil 98 percent, ang tagumpay sa baseball ay nakasalalay sa pitchers,” wika ni Binarao.

Ang torneo ay kanila ring final tune-up sa SEA Games kung saan itataya ng mga Pinoy ang korona na kanilang hinawakan magmula noong 2005. CLYDE MARIANO

Comments are closed.