NAGPALABAS ang Philippine Sports Commission (PSC), sa first half pa lamang ng 2020, ng mahigit sa P351 million sa sports ng top Tokyo Olympic bets.
Sa kabila ng kinakaharap na fiscal challenges dahil sa COVID-19 pandemic, gumagawa si PSC Chairman Butch Ramirez ng paraan upang mapanatili ang suporta ng ahensiya sa golden Olympic dreams ng bansa.
Nagsisikap ang PSC para matupad ang lahat ng pangako nito na mapanatili ang Olympic gold dream sa kabila ng maliit na budget makaraang kunin ng Bayanihan Act I anf P596 million at P773 million mula sa National Sports Development Fund at pondo ng General Appropriations Act (GAA) ng sports agency, ayon sa pagkakasunod.
“It has been quite a challenge but we hope to keep our commitment to fund and support our athletes who have shown strong determination and chances in winning our first Olympic gold,” paliwanag ni Ramirez.
Batay sa record, ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ang tumanggap ng pinakamalaking suporta mula sa PSC na may mahigit sa P20.2 million, sumusunod ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na may P13 million at Gymnastics Association of the Philippines (GAP), P7.8 million.
Ang mga ito ang tatlong National Sports Associations (NSAs) na kinabibilangan nina Olympic qualifiers pole vaulter Ernest John Obiena, boxers Irish Magno at Eumir Marcial, at gymnast Carlos Edriel Yulo.
Si Yulo, na naninirahan sa Japan, ay inayudahan ng mahigit sa P 3.8 million sa first half ng 2020 para sa kanyang living expenses, gymnastics training, at iba pang miscellaneous expenditures.
Nakakuha siya ng tiket sa Tokyo Olympiad nang magwagi siya ng gold medal sa Men’s Floor Exercise event sa 2019 World Artistic Gymnastics Championships na idinaos sa Stuttgart, Germany na may P7.6 million support mula sa PSC noong 2019.
Tumanggap naman ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) ng P11.2 million, kung saan P3.8 million nito ay para suportahan ang paghahanda ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz.
Si Tokyo Olympic shoo-in Diaz ang tumanggap ng pinakamalaking ayuda mula sa PSC mula Enero hanggang Hunyo 2020 bilang suporta sa kanyang kampanya para sa kauna-unahang gold ng bansa sa Tokyo Olympics.
Si Obiena ay tumanggap naman ng P1.3 million para sa first half ng 2020.
“We are doing what we can for our national athletes. We want them to stay focused on their goals and to stay positive while aspiring for Olympic glory. We want to remind them that PSC is always here to help them achieve success in any way that is possible.” anang sports chief. CLYDE MARIANO
Comments are closed.