OLYMPIC QUALIFYING: PINOY BATTERS MABIGAT ANG LABAN

PINOY BATTERS

MATAGAL nang pa­ngarap ng Filipinas na makapaglaro sa baseball sa Olympics at gagawin ng mga bataan ni Philippine Amateur Baseball Association (PABA) president Joaquin ‘Chito’ Loyzaga ang lahat para magkaroon ito ng katuparan.

Sa masusing gabay ni coach Edgardo delos Reyes, katuwang sina dating national player Ricky Jimenez at long time Philippine resident Japanese Kenjie Takayama, lalahok ang mga Pinoy sa Olympic qualifying 2019 Asian Baseball Championship na gaganapin sa susunod na buwan sa Chinese Taipei.

Bukod sa Filipinas, sasabak din sa torneo na may basbas ng Baseball Federation of Asia sa ilalim ng pangangasiwa ng Chinese Taipei Baseball Association ang Asia’s superpowers Japan at South Korea, China, Sri Lanka at host Chinese Taipei.

Araw-araw ang ensayo ng mga manlalaro maliban sa araw ng Linggo para  maging handa sa kanilang pagsabak.

Inamin ni Jimenez na mabigat ang kanilang kampanya dahil kasali ang Japan at Korea, subalit sa kabila nito ay mataas pa rin ang fighting spirit ng mga Pinoy at handang makipagsabayan sa mga kalaban upang makapaglaro sa 2020 Tokyo Olympics.

“Mahirap ang pagdaraanan namin dahil Asian level ang competition. We will be there fighting for flag and country,” sabi ng dating national player na taga- Los Baños, Laguna.

Dahil ang pitchers ang susi sa tagumpay, pinalakas nila ang pitching staff sa tulong ni Osaka native Kenjie Takayama.

“Kailangan ay malakas ang pitching staff dahil 98 percent, ang tagumpay sa baseball ay nakasalalay sa pitchers,” wika ni Jimenez.

Ang kampanya ng koponan ay sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez bilang paghahanda sa 30th SEA Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Bukod sa SEA Games, champion ang Pinas sa Asia Cup II Baseball, ika-5 sa Asia at ika-24  sa mundo. CLYDE MARIANO

Comments are closed.