OLYMPIC QUALIFYING: UY SASANDIGAN ANG SEAG RECORD

Natalie Uy

GAGAMITIN ni Filipino-American Natalie Uy ang kanyang bagong SEA Games record na 4.25 meters sa pole vault bilang tuntungan sa una niyang pagsali sa Olympic qualifying at determinado siyang samahan si qualifier Ernest John Obiena sa Tokyo Olympics.

“My triumph in the SEA Games boosted my morale and fighting spirit. I am physically and mentally fit and determined to play in the Olympic Games as member of the Philippine delegation,” sabi ni Uy.

Lalahok si Uy, anak ng isang Cebuano, sa qualifying sa masusing gabay ni fellow Filipino US-based at dating Philippine pole vault record holder at 1992 Barcelona Olympian Edward Lasquete.

Sinanay ni Lasquete ang jumping skill ni Uy bilang paghahanda sa qualifying sa hindi pa malamang petsa at lugar na itatakda ng International Athletics Federation.

Bukod sa bagong SEA Games record, binu­ra ni Uy ang lumang marka na 4.11 meters na ginawa ni Deborah Samson sa torneo sa Carritos, California noong 2008 at pinantayan ang 4.25 meters na naitala ni Sukanya Chomchuendee ng Thailand noong 2017 edition sa Malaysia.

Umaasa si PATAFA president Philip E. Juico na makalulusot sa matinding pagsubok si Uy, gayundin sina Brazil Olympian Eric Shawn, Cray Kristina Knott,  William Morrison at reigning SEA Games marathon queen Christine Hallasco.

“It’s an uphill climb. Hopefully, they would pass the qualifying,” sabi ng dating Philippine Sports Commission chairman.

Mahigit 40 golds ang nakataya sa quadrennial meet na ipinagpaliban sa susunod na taon. CLYDE MARIANO