OLYMPIC SLOT TARGET NG PH SHOOTERS

PH shooter

HANDA na ang Philippine National Shooting team na sumabak sa Asian Shooting Championships sa Nob. 2-11 sa Doha, Qatar kung saan target nilang makasambot ng puwesto sa Olympic Games sa susunod na taon.

Ang edisyon ng Asian Championships ngayong taon ay idineklarang hu­ling  Olympic Qualifying for Asia ng International Olympic Committee (IOC) para sa 2020 ­Tokyo Olympic Games.

Ang top three finishers sa shotgun, rifle at pistol events ng torneo ay makakakuha ng quota places o outright qualification sa Tokyo Olympiad.

Umaasa si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’  Ramirez sa panalo ng mga shooter, at sinabing kailangan ng bansa ng marami pang qualifiers sa Tokyo.

“We now have two Olympians in Tokyo, but we need more. That is why the PSC is supportive of all these exposures and competitions so that our athletes get big chances at making it to the ultimate competition of their careers—the Olympics,” ani Ramirez.

Sa kasalukuyan, sina gymnast Carlos Yulo at pole vaulter EJ Obiena ay nakakuha na ng tiket sa Tokyo Games.

Magugunitang nagwagi si Shotgun shooter Hagen Topacio ng silver medal sa Men’s Individual Trap sa Asian Shooting Championships sa Kuwait, dalawang taon na ang nakalilipas.

Ang 2016 Asian Championships ay isa ring Olympic qualifying event para sa  Rio Olympiad subalit kalaunan ay binawi ng IOC ang pagkilala nito makaraang tanggihan ng mga organizer ang isang entry ng Israeli technical official sa Kuwait.

Sisikapin ni Topacio na maduplika ang kanyang silver medal feat  upang magkuwalipika sa Tokyo summer games.

Ang iba pang mi­yembro ng men’s trap team ay sina Eric Ang, Carlos Carag at Jethro Dionisio.

May kakayahan din sina Jeson Valdez at Amparo Acuna sa podium finish sa  mixed rifle event na lalaruin sa unang pagkakataon sa Tokyo Games.

Ang iba pang shooters na sasabak sa Asian Championships ay sina Dennis Basila at Sean Ocampo sa rifle, at Michael Angelo Fernandez, Marcelo Gonzales, Shanin Gonzalez at Juliet Arellano sa pistol events.

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *