NAGPAHAYAG ng buong suporta ang pamunuan ng Optical Media Board (OMB) sa #PlayItRight, ang kampanya laban sa pamimirata na adbokasiyang itinataguyod ng Globe Telecom, sa ginanap na paglagda sa Memorandum of Agreement kamakalawa.
Sa #PlayItRight na inilunsad ng Globe noong taong 2017, tinutukan nito ang pagsusulong ng malawakang education campaign sa publiko para sa proteksiyon ng intellectual property rights at pakikipaglaban sa malware, cyber security threats at access sa ilegal na digital content at torrent sites.
Sa pahayag, kinilala ni Globe President at CEO Ernest Cu ang suportang ibinigay ng OMB sa kanilang adbokasiya. Inaasahan niyang higit itong magpapalakas at magpapalawak sa kampanya laban sa ilegal na distribusyon ng copy-righted content.
“The internet has become the main source of almost all the copy right infringement content nowadays and we need all the help we can get. We are encouraging the OMB to invite other stakeholders as well such as the cinemas to collaborate with our education drive to target the moviegoers,” dagdag pa ni Cu.
Samantala, sinabi naman ni OMB Chairman at CEO Atty. Anselmo B. Adriano na ang pagsusulong ng Globe ng #PlayItRight ay napapanahon. Bukod dito, kailangan din ng OMB ang suporta ng pribadong sektor sapagkat karamihan ng tumatangkilik sa pirated videos ay hindi lubos na nauunawaan kung paano nito unti-unting pinapatay ang industriya ng pelikula sa bansa at tinatanggalan ng trabaho ang mga indibidwal na umaasa rito.
Partikular na tinukoy ni Adriano ang pagbulusok ng bilang ng mga gumagawa ng pelikula kada taon na dati ay umaabot, aniya, sa 300, subalit ngayon ay halos nasa 50 na lamang.
Makikibahagi rin ang OMB sa Digital Thumbprint Program (DTP) ng Globe na magtuturo naman sa responsableng paggamit ng internet, kabilang na ang ilegal na pag-download ng content sa training module ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Umaasa ang OMB na sa pakikipagtulungan nila sa Globe ay malampasan pa nila ang mahigit sa dalawang bilyong pisong halaga ng nakumpiskang pirated materials na naitala nila mula taong 2016.
Sa kasalukuyan, bukod sa tanggapan nito sa Quezon City ay nakapagbukas na rin ang OMB ng satellite office sa Baguio, Cebu at Davao na siyang nagpoproseso ng pagpapatala, paglilisensiya at operasyon ng ahensiya sa tulong naman ng Department of Trade and Industry (DTI). MINA SATORRE
Comments are closed.