OMBUDSMAN: “CONFIDENTIAL FUNDS? INYO NA!”

magkape muna tayo ulit

Teka. Hindi ito ang sinabi ni Ombudsman Samuel Martires sa Kongreso ukol sa pagdinig ng budget ng Office of the Ombudsman. Subalit tila parang ito ang mensahe na nais ipaabot ni Martires sa ilang mambabatas na nagtatanong sa kanya tungkol sa 2025 budget ng kanyang ahensya.

Isang beses ko lamang nakapanayam si Justice Martires. Tandang tanda ko pa na ako ay napadpad lamang sa isang meeting ng aking kaibigan na si veteran broadcaster Arnold Clavio na kasama si Justice Martires. Pina­kilala ako at nakipagkwentuhan sa akin. Walang ka ere-ere sa katawan. Simpleng tao lamang.

Kaya naman ako ay hindi nagtataka na bukas palad si Martires na tanggalin sa budget ng kanyang opisina ang tinatawag na confidential funds.

Ito kasi ang sagot ni Martires sa tanong ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro nang kanyang tinanong kung paano ginamit ng Office of the Ombudsman ang confidential funds noong 2023.

“May I reiterate that you can just make it again P1 million if you like. Or if you like, you can make it a zero. I am not inte­rested in the confidential funds. I am more inte­rested in the budget for personal services and the capital outlay, not on the confidential funds,” ang sagot ni Martires.

Paliwanag ni Martires na ang dating orihinal na P51 million na nakalaan na confidential funds sa kanyang opisina noong 2024 ay tinap­yasan ng P1 million na hiniling mismo ni Martires para sa kanyang ahensya. Samantalang ang P31 million ay inilaan noong 2023.

Sa totoo lang. Ang salita at kalakaran ng ‘confidential funds’ ay tila nabahiran na. Para bang isang balon ng pondo ng pera na maaaring gamitin na walang maaaring makialam. “It seems like having confidential funds paints a picture of it being used for other things. I do not want my neighbor to think my T-shirt came from the confidential funds,” ang sabi ni Martires.

Ganito na yata ang nangyayari sa mga ilang ahensya na may nakalaan na confidential funds. Nais ng Kongreso na mabusisi kung saan ginagamit ang nasabing pondo. Ito rin ang armas ng mayorya ng mga mambabatas na laban kay Vice President Sara Duterte.

Marahil ay karamihan sa atin ang nakasaksi sa ‘circus’ kamakalian sa House of Representatives kung saan isinalang si VP Duterte para sa budget hearing ng kanyang opisina. Nauubos ang ilang oras ng pagdinig na walang napagkayarian. Tsk tsk.

Kaya saludo ako kay Ombudsman Samuel Martires. Wala ng marami pang tanong. Kinukwestyon ninyo kung bakit may confidential fund ang Office of the Ombudsman? Parang sinasabi ni Martires ay “Eh di tanggalin ninyo!”