NAKAPASOK na sa United Kingdom ang pinakabagong COVID-19 strain na Omicron variant.
Ito ang kinumpirma ng British health security agency makaraang ma-detect ang dalawang kaso ng Omicron sa mga pasaherong nagmula South Africa.
Natunton ang isa sa Nottingham City habang ang isa pa ay nasa Chelmsford City.
Naka-isolate na ang dalawang biyahero habang pinaghahanap na rin ang lahat ng kanilang mga nakasalamuha.
Samantala, ipinagbawal na rin ang lahat ng flights patungo at mula sa South Africa maging sa Namibia, Lesotho, Eswatini, Zimbabwe at Botswana.
Sinuspinde naman ang pagpasok sa Pilipinas ng mga biyahero mula South Africa, Botswana, at iba pang bansa na may local cases o kahalintulad na B.1.1.1529 variant ng COVID-19.
Sinabi ni Cabinet Secretary at acting presidential spokesman Karlo Nograles na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang travel ban na epektibo kaagad. Tatagal ito ng hanggang Disyembre 15, 2021.