DAHIL bumilis habang papalapit ang bagyong Ompong na nasa 30 kilometro kada oras, hilagang kanluran, tinaya kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na sa pagitan ng ala-1 hanggang alas-3 ng madaling araw ngayong araw ang pagbagsak ng bagyo.
As of 5 PM kahapon ay huling namataan sa layong 340 Northeast ng Casiguran, Aurora.
Bukod sa mabilis na kilos, napanatili nito ang kanyang lakas ng hangin na 205 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong umaabot sa 255 kilometro bawat oras
Samantala, nakataas ang tropical cyclone warning signal number 4 sa Cagayan at Northern Isabela.
Nakataas naman ang TCWS no. 3 sa Babuyan Group of Islands, Southern Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Benguet, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, Northern Aurora.
Signal number 2 naman sa Batanes, La Union, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Southern Aurora at Northern Zambales
Signal number 1 sa Southern Zambales, Pampanga, Bulacan, Bataan, Rizal, Metro Manila, Cavite, Batangas, Laguna, Quezon incl. Polillo Is., Northern Occidental Mindoro incl. Lubang Is., Northern Oriental Mindoro, Masbate, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Burias at Ticao Islands, Palawan, Zamboanga Peninsula, Caraga at Northern Mindanao.
Ngayong madaling araw ang pinakakritikal na panahon dahil inaasahan ang landfall ng bagyo sa Isabela-Cagayan.
Samantala, ibinabala rin ng Pagasa na aabot sa anim na metro ang storm surge sa mga karagatang apektado ng bagyo.
SANGGOL BIKTIMA NG SAMA NG PANAHON
Isang sanggol umano ang nasawi bunsod ng pag-ulan na sinasabing pinalakas ng papasok na Typhoon Ompong sa Brgy. 1, Pio Duran, Albay.
Huli na nang mapansin ng mga magulang na nawawala ang kanilang sanggol na anak sa kanilang paggising kahapon ng umaga hanggang makitang palutang-lutang sa bahang bakuran at wala nang buhay.
Sa panayam kay Alex Comia, MDRRMO Daraga, sinabi nitong simula kahapon ay nagpatupad ng mandatory evacuation ang lokal na pamahalaan kung saan prayoridad ang mga residente sa mga barangay sa paanan ng bulkan.
Kabilang na rito ang mga Barangay ng Bañadero, Matnog, Alcala, Kilicao, Miisi, Salvacion, Busay, Cullat, Binitayan at Tagas na ngayon ay nananatili sa iba’t ibang evacuation center sa naturang bayan.
PREVENTIVE EVACUATION SA TUGUEGARAO, CAGAYAN
Ipinatupad na rin ang pagpapalikas sa Tuguegarao City sa Cagayan habang inaasahang marami pang lugar ang maaaring magpatupad ng preventive evacuation.
Aabot naman sa mahigit 5,000 residente ang nagsilikas.
Bawal na rin ang operasyon ng pagmimina para makaiwas sa pagguho habang hindi na rin pinaglayag ang mga sasakyang pandagat.
Mayroon na ring mga dam na nagpalabas ng tubig at kasama ang Cagayan river. VERLIN RUIZ
Comments are closed.