MASUSING pinag-aaralan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang panukalang ipasara ang Boracay isang beses sa isang buwan upang bigyang-daan ang paglilinis sa isla.
Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ni DENR Undersecretary Sherwin Rigor na magkakaroon ng clean-up activity sa isla ngayong taon.
Aniya, maaari itong gawin tuwing lean season o kakaunti ang bumibisitang turista sa isla.
Sinabi ni Rigor na sa halip na buong isla ang isara kagaya ng nangyari noong nakaraang taon, may mga panukala na gawin na lamang ito ng ‘by sec-tion’.
Layunin, aniya, nito na maipakita sa mga turista na seryoso at tuloy-tuloy ang kanilang rehabilitasyon at upang hindi na maulit pa ang nangyaring anim na buwang Boracay closure na nagsimula noong Abril 2018.
Samantala, patuloy ang inspeksiyon sa mga establisimiyento sa isla upang masiguro na mga compliant establishment lamang ang nag-o-operate.
Kamakailan lamang, 10 establisimiyento ang nabigyan ng babala dahil sa pag-operate na walang kaukulang compliance certificate. BENEDICT ABAYGAR, JR.