ONE BULACAN TEAM, NANGUNA SA EMERGENCY DRILL

emergency Drill

PINATUNAYAN ng ‘One Bulacan’ team sa pangunguna ng Bulacan Rescue -Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na hindi ito mauuwi sa pangalawang puwesto matapos tanghaling kabuuang kampeon sa 2019 Central Luzon Regional Emergency Drill na ginanap nito lamang Hunyo 18-21 sa Fort Ramon Magsaysay, Lungsod ng Palayan, Nueva Ecija.

Binubuo ang nasabing grupo ng Bulacan PDRRMO at C/MDRRMOs ng Malolos City at mga bayan ng Pulilan, Santa Maria, Pandi, at Plaridel kasama ang 48th Infantry Battalion, Philippine Army at Bulacan Police Provincial Office na kinilala bilang mga kampeon sa Battle of the Brains, Mass Casualty Incident, Mountain Rugged Terrain Search and Rescue (MRTSR), Collapsed Structure Search and Rescue (CSSR), Incident Management Team (IMT) at pinarangalan  bilang first runner up sa Water Search and Rescue (WASAR).

Binati naman ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang Bulakenyo Rescuers dahil sa patuloy nitong pagbibigay ng mga karangalang natatamo sa larangan ng rescue operation skills kabilang na ang kahandaan at kagalingan sa kabuuang pagresponde sa lalawigan.

Natalo ng One Bulacan Team ang ibang mga lumaban na grupo mula sa Bacolor Pampanga, Nueva Ecija at Angeles City Disaster Risk Reduction Management Office.

Naisagawa ang aktibidad sa pamamagitan ng pagsisikap ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 3. A. BORLONGAN

Comments are closed.