ONE DA REFORM AGENDA

HULING araw na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang noong Huwebes, Hunyo 30.

Sangkaterba ang iniwang legasiya ni Tatay Digong.

May ilang nagsasabi na palpak ang administrasyong Duterte.

Ngunit hindi rin maitatanggi na hindi matutumbasan ang mga nagawa ni Duterte ng ilang nakalipas na administrasyon.

Sa kasalukuyan, nahaharap pa rin sa krisis ang bung mundo, kabilang ang Pilipinas.

Isa sa mga problemang kinakaharap natin ay ang kahirapan at kakulangan sa pagkain.

Umalis man sa Palasyo si Pangulong Duterte, hindi naman ito nangangahulugan na tatalikuran na nito ang mga magsasaka na nagpapakain sa bawat pamilyang Pilipino.

Nanumpa na rin kasi sina Pangulong Bongbong Marcos at Vice-President Inday Sara Duterte-Carpio na anak ni Tatay Digong.

Tulad ng iba pang miyembro ng gabinete, paalis na rin sa puwesto si Department of Agriculture Sec. William Dar.

Isa sa mga magagandang programa at proyekto ni Dar ay ang “OneDA Reform Agenda” na ibinabase sa consolidation, modernization, industrialization o professionalization, at science-based key strategies upang maging competitive ang agriculture sector.

Noong nakaraang taon, umarangkada sa mga piling lugar sa Mindanao ang Coconut-Carabao Development Project (CCDP) ng DA-Philippine Coconut Authority (DA-PCA) at DA-Philippine Carabao Center.

Nakahanay sa 18 pangunahing istratehiya sa ilalim ng One DA ang diversification kung saan hinihimok ang mga magsasaka na sumuong sa iba pang puwedeng mapagkakitaan o farm commodities.

Sa ganitong paraan nga naman ay lalo pang mapapataas ang kanilang kita o income.

Sinasabing ang pinakalayunin ng CCDP ay kumita ang mga tradisyunal na magniniyog sa pamamagitan ng pagkakalabawan o pag-aalaga ng kalabaw.

Tinutulungan ng DA ang mga magsasaka hindi lamang sa aspeto ng pagsasanay at serbisyong teknikal kundi maging sa pagtukoy sa mga lugar para sa ilalatag nilang proyekto.

Siyempre, nariyan din ang suporta nila para sa produksiyon, pagpoproseso, at pagdadala nito sa mga pamilihan.

Unang ikinasa ang “Cara-Aralan sa Niyugan” sa Zamboanga Sibugay kung saan tinatayang 27 magniniyog ang sumabak sa season-long training para sa dairy buffalo production.

Patuloy namang itataguyod ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF), advisory body ng DA, ang pagpapaigting ng participatory governance, pagsusulong ng transparency at accountability, at pagpapabuti ng sistema ng ‘check and balance’.

Sa ika-siyam na anibersaryo ng PCAF, nagpasalamat si Executive Director Office-in-Charge Liza Battad sa Civil Society Organizations (CSOs), at siyempre, kay outgoing DA Sec. Dar.

Hindi rin, aniya, titigil ang ahensiya sa pagtataguyod sa kapakanan ng mga magsasaka at maliliit na mangingisda.

Aminado si Dar na mahalaga ang ginagampanang papel ng PCAF sa accreditation at mobilization ng CSOs.

Aba’y pinuri rin ni Dar ang accomplishments ng advisory body sa ilalim ng OneDA Reform Agenda.

Ayon nga kay Dar, katuwang ng DA ang CSOs sa pagtiyak ng epektibo at episyenteng kampanya para sa food security, pagpapalakas ng food sufficiency, karagdagang budget support, at pagbibigay-daan upang mabilis na makaangkop sa modernong teknolohiya ang agri sector.

Samantala, habang wala pang itatalagang bagong Agri chief si Pangulong BBM ay siya muna ang uupo sa DA.

Isa naman sa mga dapat tingnan ng bagong chief executive ay ang epekto ng Rice Tariffication Law (RTL) sa mga magsasaka.

Kung maaalala, nangako ang mga nagtulak ng RTL ng pagtaas ng ani at pagbaba ng mga gastos sa produksiyon.

Binanggit din na bababa raw ang presyo ng bigas para sa mga konsyumer.

Gayunman, tila walang nasunod sa mga pangakong iyon.

Kaya mahalagang tingnang mabuti kung nakikinabang ba rito ang magsasaka at ang mamamayan.

Kung walang gagawing hakbang ang bagong pamahalaan, mananatiling nakapako ang mga nasabing pangako.

Tandaan na ang mga patakaran sa agrikultura tulad ng RTL ay inaakda at pinag-uusapan ng mga mambabatas at mga ekonomista sa loob ng malamig nilang tanggapan.

Sa palagay ko, sa usaping ito’y mahalaga ring marinig ang tinig ng mga magsasaka.