ONE-ON-ONE SI BBM, LENI SA 2022?

PAGKATAPOS  ng resulta ng Pulse Asia Survey, kung saan namamayagpag pa rin si Bongbong Marcos (BBM) bilang napipisil na susunod na pangulo ng ating bansa, nagkaroon ng bahagyang pagtaas ng bilang sa survey si VP Leni Robredo. Umani siya bilang pangalawa sa survey ratings. Si BBM ay nakakuha ng 53%, samantalang si VP Leni naman ay nakakuha ng 20%. Si Mayor Isko Moreno at Sen. Manny Pacquiao ang nasa ikatlong pwesto na may parehas na 8%. Samantalang si Sen. Ping Lacson ay may 6%. Hindi ko na babanggitin ang mga iba pang kumakandidato sa pagkapangulo sa sobrang baba ng kanilang survey ratings.

Mabalik tayo kay BBM at Leni. Dahil sa pagkakaroon ng bahagyang pagtaas ng numero ni Leni, mabilis pa sa alas kwatro at nagpahayag ang kanyang kampo. Tila gumagawa ng panibagong senaryo sa hangad na magkaroon ng pag-asang lumakas pa ang bilang ni Leni bago mag-umpisa ang opisyal panahon sa pangangampanya.

Ayon sa tagapagsalita ni VP Leni na si Barry Gutierrez, dahil sa pagtaas ng 12 points sa survey rating ng kanyan boss, nakikita nila na magmimistulang one-on-one o showdown sa May 2022 si BBM at Leni.

Para kay Gutierrez, ang dahan-dahan na pagtaas ng numero sa survey ay sumasalamin sa mga lumalaking bilang ng suporta para kay VP Leni.

Subali’t malaki pa rin ang agwat ni Leni sa numero ni BBM. Mahigit kalahati. Doblehin mo pa ‘yung 20%, lamang pa rin ng 13% si BBM. Kaya naman ang bagong pakulo ng kampo ni Leni ay kung maaaring magkaisa ang iba pang mga tumatakbo sa pagkapangulo na magkaroon ng isang united opposition laban sa kampo ni BBM.

“Mula naman simula, ang posisyon naman ni VP at ng aming campaign ay bukas kami sa ganyang klase ng mga pakikipag-usap, ‘di ba. Pero mahirap sabihin eh, ano’ng mangyayari? Pero sa dulo siyempre ‘yong desisyon has to come from individual candidates eh,” ang paliwanag ni Gutierrez.

Sabagay, ‘yung dalawang 8% ni Pacquiao at Moreno, kapag pinagsama mo ay 16%. Oo nga naman.

Parang napakasimpleng aritmetik lang yata ang nakikita ng kampo nila VP Leni. May kasabihan nga, ‘madali sabihin ngunit mahirap gawin’. Mabigat at matinding usapan ang kinakailangan upang makumbinsi ng kampo ni Leni na sumanib puwersa ang kampo nila Moreno, Pacquiao at Lacson.

Paninindigan, personalidad ng mga ibang nakapaligid kay Leni, tiwala, ideolohiya, at marami pang iba ang kailangan isaalang-alang para magkaroon ng posibleng pagkakaisa nila.

Naniniwala kaya sima Moreno, Pacquiao at Lacson sa kakayahan ni Leni bilang isang pangulo kapag sumanib sila sa kampo ng mga pinklawan? Ano ang mahihita nila kapag maki-isa sila kay VP Leni?

Dagdag pa ni Gutierrez sa panayam niya sa media tungkol sa posibleng pagkakaroon ng united opposition laban sa kampo ni BBM, “Kaya ako ang tinitignan ko dito, kung sakaling gano’n ang trajectory, direksyon nga ang pupunta, kung may mag-express ng willingness, hindi lang simpleng withdrawal. Talagang withdrawal at declaration of support, talagang nangangampanya para do’n sa taong susuportahan. Kasi in a way ang nagkaroon ng gano’ng klase ng unification ‘yong kabila, nagsanib puwersa ‘yong dalawang posibleng presidentiable, at kita mo naman talagang tumaas ang kanilang numero, nagwork for them,”. Ang tinutukoy niya dito ay ang pagsanib ng puwersa nila BBM at Sara Duterte.

Pero ang pagkakaiba ay pareho ang paniniwala at paninindigan nina BBM at Sara. Sa hanay ng mga ibang kumakandidato walang ganitong pagkakaintindihan. Sabagay, malayo pa naman ang eleksiyon.

Mahigit anim na buwan pa. Malaki ang hamon ng mga nasa laylayan sa survey. Tignan na lang natin sa susunod na survey kung mas-lalaki pa ang lamang ni BBM at Sara Duterte sa survey sa kanilang mga katunggali.