ONE-STOP SHOP ACTION CENTER INILUNSAD

INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang Kalingang Munti Action Center (KMAC) na isang one-stop shop kung saan magtutungo ang mga residente upang mapagkalooban ang mga ito ng karampatang tulong sa kanilang pangangailangan.

Pinangunahan ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon kabilang ang ilang konsehal ng lungsod ang paglulunsad sa KMAC nitong nakaraang Oktubre 10 sa City Hall.

Ayon kay Biazon, sa kanyang unang araw ng pag-upo bilang alkalde ng lungsod ng nakaraang Hulyo 1 ay agad niyang nilagdaan ang kanyang kauna-unahang executive order na bumubuo sa KMAC.

Sinabi ni Biazon na ang KMAC ay magbibigay serbisyo para sa mga taong humihingi ng tulong medikal, pinansiyal at burial assistance kung saan hindi na kinakailangan pang magpunta ang bawat indibidwal sa iba’t-ibang departamento para lamang makakuha ng ayuda sa lokal na pamahalaan.

Napag-alaman din kay Biazon na sa unang araw pa lamang ng operasyon ng KMAC ay napagsilbihan na kaagad nito ang 106 indibidwal.

“Mas pinadali ang proseso para mas mabilis ding matatanggap ng ating kababayan ang tulong,” ani Biazon.

Dagdag pa ni Biazon na sa programa ng KMAC ay magkakaroon na rin ng impormasyon at database ng mga indigent ang lokal na pamahalaan na mas mapapadali sa pagbibigay ng tulong sa mga residente ng lungsod.

“Matiyak natin na yung talagang nangangailangan ay nabibigyan,” pagtatapos ni Biazon. MARIVIC
FERNANDEZ