SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang pagsasagawa ng one-stop-shop medical caravan na naglalayon na mas mailapit pa ang pagbibigay ng iba’t-ibang uri ng serbisyong medikal sa lahat ng 16 na barangay sa lungsod.
Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez nan itong Setyembre 12 (Lunes) ay sinimulan ang pagbibigay serbisyo ng one-stop-shop medical caravan sa tatlong barangay sa lungsod na kinabibilangan ng mga barangay Don Bosco, San Isidro, at San Dionisio.
Umarangkada nitong Lunes ang serbisyong ipinagkakaloob ng medical caravan kung saan libre ang medical consultation, dental services, eye care, HIV testing, laboratory tests, acetic acid wash (pagsusuri para mas madaling ma-detect ang cervical disease), chest X-ray, at pagtuturok ng bakuna sa mga bata laban sa COVID-19.
Bukod pa sa mga nabanggit na libreng serbisyong medikal ay nagsasagawa rin sa medical caravan ng lecture sa programang pang nutrisyon, serbisyong beterinaryo para sa mga alagang so at pusa, libreng serbisyong legal, at iba pang pagseserbisyo na may kaugnayan sa kalusugan.
Mayroon din libreng gupit na iniaalok sa medical caravan pati na rin ang pamamahagi ng libreng tsinelas, gamot at iba’t-ibang klase ng bitamina.
Nakilahok din si Mayor Eric Olivarez na isa ring registered nurse sa mga doctor at nurses na nag-aalay ng kanilang libreng serbisyo sa pamamagitan ng pagkuha ng blood pressure ng mga pasyente kabilang na ang senior citizens ng lungsod.
Ang medical caravan ay isasagawa sa mga naka-iskedyul na barangay ng dalawang beses sa loob ng isang buwan o isang beses kada ikalawang linggo. MARIVIC FERNANDEZ