ONE-STRIKE POLICY VS TIWALING OTS PERSONNEL

grace poe

IGINIIT ni Senadora Grace Poe sa Office for Transportation Security (OTS) na mahigpit na ipatupad ang one-strike policy laban sa mga tauhan at opisyal nito na sangkot sa anumang uri ng modus operandi o kriminalidad, partikular ang pagnanakaw sa pasahero.

Ani Poe, kapag naipatupad ang naturang panukala, “mabubunot” ang mga undersirables mula sa hanay ng mabubuting indibidwal at makatutulong sila sa pagpapanatili ng integridad ng tanggapan na nabahiran ng korupsiyon at kontrobersiya.

“Ang kailangan natin sa ating mga airport ay mga bantay sa ating seguridad, hindi bantay-salakay,” diin ni Poe.

Sinabi rin ni Poe, chairperson ng Senate committee on public services, na dapat maipatupad ang matitigas na pagkilos laban sa tiwaling tauhan upang magsilibing senyales na seryoso ang tanggapan na magkakaroon ng reporma sa kanilang hanay.

Aniya, dapat isagawa ang imbestigasyon nang mabilisan at may kalakip na matibay na ebidensiya upang maiwan ang anumang panghihimasok o interbensiyon sa pagsisiyasat.

Ayon kay Poe, ang pinakahuling insidente na kinasasangkutan ng isang tauhan ng OTS na lumulon ng $300 na umano’y kinuha sa isang pasahero ay nagpapakita lamang na kahit ano ay maaari nilang gawin maisakatuparan lamang ang masamang gawain.

Iginiit pa ng senadora na dapat matapang na maipakita ng OTS ang pagsasagawa ng pagbalasa sa sistema nito na binabalutan ng kapalpakan at korupsiyon sa maraming taon.

Iminungkahi rin ni Poe ang pagrerepaso sa patakaran sa recruitment kasabay ng pagsasagawa ng masusing background check sa kasalukuyang empleyado

-VICKY CERVALES