‘ONE-TIME BILL WAIVER’

MANILA WATER-2

MAGPAPATUPAD ang pamunuan ng Manila Water ng one-time bill waiver kasunod ng naganap na water shortage kama­kailan.

Sa ginanap na magkasabay na press confe­rence, sinabi ni Manila Water President and CEO Ferdinand dela Cruz na dalawang eskima ang kanilang gagawin para sa mga customer ng Manila Water.

Napag-alamang ang unang scheme ay hindi papasok sa billing ng mga customer ang tinatawag na minimum charge na 10 cubic meters kahit na mapa-lifeline, domestic o semi domestic customers.

Habang sa panga­lawa naman ay waive o walang babayaran ang mga customer para sa buwan ng Marso na iti­nuturing na hardhit o most severely affected areas.

Nabatid na ito ang mga customer na walang tubig ng buong araw sa loob ng isang linggo o higit pa.

Kasalukuyan namang inaayos ng Manila Water kung paano ito maipatutupad lalo’t patuloy pa rin ang pag-andar ng billing sa mga customer.

Samantala, ikinagalak naman ni Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) Administrator Reynaldo Velasco ang naturang hakbang ng Manila Water na ipatupad ang one-time bill waiver scheme kasunod ng service interruptions na nakaapekto sa ilang lugar sa Metro Manila at probinsiya ng Rizal.

Aniya, kusang loob na ginawa ng Manila Water ang nasabing hakbang su­balit patuloy pa ring pinag-aaralan ng MWSS regulatory board kung anong maaaring ipataw sa Manila Water.

Sinabi pa ni Velasco na wala na silang mahihiling pa dahil masaya na raw sila sa naging hakbang ng Manila Water ngunit sa kabila nito, umaasa si Velasco na matatapos na ang krisis sa tubig sa Mayo o sa lalong madaling panahon.   BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.