HAY naku! Ano na naman itong panukala na gawing one way ang EDSA at C5 bilang agarang solusyon sa lumalalang trapik sa Metro Manila? Sino naman itong nagmamagaling na nagbigay ng suhestiyon na ito?
Ito tuloy ang nagbigay daan sa mga iba pang panukala na masasabing ‘MEMA’ o memasabi lang. May nagsabi naman na ang paggamit ng EDSA ay pagbabatayan sa tatak ng sasakyan. Halimbawa kapag Lunes daw ay tatak Toyota lamang ang maaring gumamit ng EDSA. Mitsubishi naman daw sa Martes, Honda sa Miyerkoles, Nissan sa Huwebes, Hyundai sa Biyernes, Sabado sa KIA at Linggo ang Ford.
Puwes, papaano na ang mga may-ari ng sasakyan na may tatak Isuzu, Suzuki, Mercedes Benz, BMW, Volkswagen, Foton, MG, atbp. Susmaryosep!
Talaga naman na palala nang palala ang trapik sa EDSA. Sa katunayan ay nagbanta na ang MMDA na ang daloy ng mga sasa-kyan ngayon sa lansangan ay humahawig na sa trapiko tuwing kapaskuhan. Eh ano pa kaya pagsapit ng buwan ng Disyembre?
Para sa akin, madaling magpanukala o magbigay suhestiyon ng solusyon upang mabawasan ang trapik sa EDSA. Nguni’t, sana naman ay pag-isipan ito ng mabuti bago isiwalat sa publiko. Kung ating malalim na susuriin ang panukalang gawing one way ang EDSA at C5, aba’y malaking abala ito sa mga motorista. Tandaan na hindi lahat ng mga pumupunta ng Makati o sa QC ay roon nakatira. Papaano na ang mga nakatira sa Marikina na nais pumunta sa Mandaluyong? Saan sila kukurbada? Ang laki ng iikutin nila upang makatawid ng EDSA at pabalik papuntang C5.
Sa totoo lang, tutal puspuspusan na ang mga LGU at ang ating pamahalaan na ayusin at linisin ang mga kalsada sa mga ilegal ng vendor at mga nakahambalang na sasakyan, itaas pa natin ang lebel sa pamamagitan ng pagbibigay ayos at disiplina sa mga mo-torista at mga mananakay.
Aminado naman tayong lahat na sobra na ang dami ng mga sasakyan sa Metro Manila. Ito ang pangunahing suliranin na nagdudulot ng matinding trapik. Malinaw at simple lamang na intindihin ito. Ayaw lang natin tanggapin. Hindi ba’t tuwing Linggo o Semana Santa ay napakaluwag ng trapik? Bakit? Dahil kaunti ang mga sasakyan na bumabaybay sa mga lansangan. Bakit maluwag ang trapiko ng mga alas-dos ng madaling araw? Kailangan pa bang sagutin ang katanungan na ito?
Kaya nasa harapan na ng ating mga mukha ang solusyon. MAGBAWAS NG MGA SASAKYAN SA LANSANGAN! Magagawa ito kapag palalawigin ang odd-even scheme o mas kilalang number coding. Ako ay napapailing tuwing ako ay bumabaybay sa kahabaan ng EDSA. Marami sa ating mga motorista ay nagpapalusot sa number coding sa pamamagitan ng pag-gamit ng numero sa kanilang conduction sticker na paso na! Sigurado ako na may permanenteng plaka na ang kanilang sasakyan. Subali’t upang makaiwas sa number coding, ibinabalik nila ang temporary na plaka na nanggaling sa casa ng pinagbilhan nila noon. Nagkukunwari na wala pang plaka ang kanilang sasakyan at ang conduction sticker ang ginagamit nila sa number coding.
Kaya dapat ay palawigin ang number coding. Kapag Monday, Wednesday at Friday…tanging plaka na nagtatapos sa even na numero (2,4,6,8 at 0) ang maari lamang lumayag sa lansangan. Tuwing Tuesday, Thursday at Saturday…ang mga plaka na nagtatapos sa odd na numero (1,3,5,7,9) ang papayagan lamang makabiyahe sa kalsada.
Sigurado ako na malaki ang mababawas na sasakyan sa ating mga lansangan. Tanggapin na natin ang katotohanan. Huwag na natin batikusin ang gobyerno tungkol sa lumalalang trapik. Kailangan ay mag-ambag din tayo ng sakripisyo upang ang lahat ay makaranas ng ginhawa sa lumalalang trapik sa Metro Manila.
Comments are closed.