ONE-WEEK TRANSPORT STRIKE IKAKASA NG ACTO

ACTO president Efren De Luna

NAGBANTA si Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren de Luna na hindi mangingiming maglunsad ang kanilang samahan ng isang linggong nationwide transport strike.

Ayon kay De Luna, ito ay mangyayari kapag hindi pakikinggan ng gobyerno ang kanilang panawagan na mamagitan mismo si Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa u­sapin ng PUV modernization.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si De Luna na pakikinggan ng Pangulo ang kanilang mga daing sa lansangan at sa huli ay mapagbibigyan sila sa kahi-li­ngang mamagitan sa isasagawang tunay na diyalogo kaugnay ng naturang usapin.

Samantala, siniguro ni De Luna na hanggang wala pang malinaw na tugon ang Palasyo sa kanilang kahili­ngan ay sunod-sunod pa rin ang kanilang mga serye ng tigil-pasada.

Aniya, kanilang ikakasa ngayong Oktubre ang isang kilos-protesta sa tapat mismo ng Department of Transportation (DOTr) sa Ortigas upang hilingin na i-phase out sina DOTr Secretary Arthur Tugade at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra dahil sa pagmamatigas ng mga ito na isulong ang jeepney modernization sa susunod na taon.

“Uunahan na muna namin sila, dapat ay sila na muna ang ma-phase out bago kami,” li­tanya ni de Luna.

Kasunod nito, muling ni­linaw ni De Luna na hindi sila tutol sa jeepney modernization ng pamahalaan, subalit nais nila na hindi biglaan sa susunod na taon ang naturang programa dahil sa iba’t ibang problema sa naturang plano gaya ng napakalaking gastusin sa pagbili ng unit, pagkuha ng lugar ng terminal at iba pa.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.