SI Senior Deputy Executive Secretary Michael Ong ay magsisilbing acting executive secretary mula Agosto 28 hanggang Setyembre 1.
Ito ay dahil sa kasama si Executive Secretary Salvador Medialdea ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China para sa nakatakdang bilateral talks kay Chinese Preident Xi Jinping.
Base sa Special Order No. 915 na nilagdaan ni Medialdea kahapon, pangangasiwaan ni Ong ang pang araw-araw na gawain at aktibidades sa Office of the President.
Inaatasan ang lahat ng departamento, ahensiya at iba pang tanggapan ng pamahalaan na tulungan ang acting executive secretary para masiguro na magiging maayos ang pagbibigay serbisyo publiko habang nasa ibang bansa si Medialdea.
Umalis kahapon si Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 upang makipagkita kay Jinping.
Magaganap ang pag-uusap ng dalawang pangulo sa araw ng Biyernes, kasama si Chinese Premier Li Keqiang.
Layunin ni Duterte sa kanyang pakikipagkita kay President Jinping para makipagtulungan sa ikauunlad ng dalawang bansa partikular na sa joint exploration sa West Philippine Sea.
Ang dalawang lider ay magpipirmahan ng Mutual of Understanding (MOU) kung saan nakapaloob sa bilateral documents ang education, science and technology, at maging ang economic and social development.
Dadalo rin si Duterte sa business forum na inihanda ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Beijing.
Pagkatapos ng kanyang engagement sa China ay bibiyahe naman ito sa Guangzhou para ipakita ang suporta nito sa Gilas Pilipinas para 2019 FIBA World Cup laban sa italy sa darating na Agosto 31. EVELYN QUIROZ, FROILAN MORALLOS