UMAAPELA na ng tulong sa gobyerno ang mga magsasaka ng sibuyas sa probinsiya ng San Jose, Nueva Ecija sa gitna ng pagbagsak ng presyo ng kanilang produkto na ang pinaka-magandang kalidad ay nagkakahalaga lamang ng PHP15 hanggang PHP16 bawat kilo.
Sinabi ng dating 2nd district board member at farmer leader na si Joseph Ortiz na laging tinatanong ng mga mangangalakal ang kalidad ng kanilang sibuyas na halatang alanganin sa pagbibigay sa kanila ng tamang presyo.
“Kapag malaki sasabihin oversized, kapag maliit sasabihin na reject,” ani Ortiz, dagdag pa na may ibang naghihinagpis na magsasaka ang iniiwan na lamang ang kanilang ani sa gilid ng mga kalye.
“Ang oversized bulbs ay nagkakahalaga lamang ng PHP12 hanggang PHP15 bawat kilo,” daing ng mga magsasaka.
“Pangulong Duterte tulungan nyo po kami,” ani Ortiz, na isa ring magsasaka ng sibuyas.
Sinabi naman ni Camilo de Guzman, 54, isang magsasaka mula sa Barangay Sapangbuho, Palayan City, na nalaman nila na ang mga imported na sibuyas ay bumabaha sa merkado.
Sinabi niya na sinubukan nilang ipagpaliban ang pag-aani ng sibuyas pero kailangan nilang anihin matapos ang ilang araw dahil patuloy ang pagbaba ng farm gate prices.
“Wala na po kaming mapagpipilian kundi bunutin para bumalik lang po ‘yung ibang puhunan,” sabi niya.
Sinabi ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na may 21,086 magsasaka na ang nakapagtanim ng sibuyas sa 11,502.84 ektarya sa 22 bayan at siyudad ng Nueva Ecija ngayong taon.
Ang bayan ng San Jose na tinawag na “Onion Capital of the Philippines,” ay may 2,319.10 ektarya na tinaniman ng red shallot variety; 590 ektarya ang may tanim na yellow granex; at 1,679.45 ektarya ang may tanim na red creole.
Sinabi ni De Guzman na gumagastos siya ng average na PHP130,000, na hiniram sa isang kapitalista para sa isang ektarya ng sibuyas.
Para makabawi at kumita ng konti, dapat maibenta namin ang aming produkto ng PHP30 bawat kilo, dagdag pa niya. PNA