PURSIGIDO ang pamahalaan na tulungan ang mga onion farmer na mapataas ang kanilang produksiyon at matiyak ang sapat na supply sa bansa.
“We’ll do this by increasing the area that is being planted to onions, number one,” sabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na sectoral meeting sa Malacanang
“And secondly, we will help by – the DA (Department of Agriculture) will help by providing inputs. So the first part of that is we are going to the seed producers so that they will produce good seed that we can give to the farmers at some point. Iyon ang kanilang gamitin as inputs. And all that what they need,” dagdag pa ng Pangulo.
Ang hakbang ay bunsod na rin ng nararanasang mataas na presyo ng sibuyas sa mga pamilihan.
Kamakalawa ay pinulong ng Pangulong Marcos ang mga opisyal ng Department of Agriculture at tinalakay ang mga posibleng paraan upang maparami ang ani ng mga magsasaka ng sibuyas.
Binanggit ng Pangulo ang kakulangan ng cold chain facilities na aniya’y nagsisilbing dahilan ng pagsirit ng presyo ng sibuyas at supply nito.
“We need more cold storage, we need a better, stronger cold chain para ma-maintain naman natin, ma-preserve naman natin ‘yung agricultural products” giit pa ng Pangulo.
Nauna rito ay ipinagpaliban ng DA ang pagpapalawig sa P250 suggested retail price (SRP) ng sibuyas dahil na rin sa inaasahang pagbaba ng presyo nito sa harap ng napipintong harvest season.
Ayon pa sa DA, ang presyo ng sibuyas ay posibleng bumaba ng mula P100 hanggang P150 kada kilo dahil sa pagpasok sa bansa ng mahigit sa 5,000 metric tons (MT) ng imported onions.
“So iyon ang mga plano, ‘yun ang mga ginawa namin para [sa] mga immediate needs doon sa ating mga nagtataasan na presyo ng agricultural products,” wika pa ng Pangulo.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang onion production sa third quarter noong nakaraang taon ay nasa 23.30 MT, 1.7 percent na mas mataas sa 22.92 MT output sa kaparehas na quarter noong 2021.
Nabatid naman sa 2022 supply and demand outlook data ng DA na mayroon ang bansa na 120 percent sufficiency level at may 312,830 MT ng sibuyas.
At ang per capita consumption ng sibuyas ay nasa 2.341 kg/year base sa PSA, na may tinatayang demand na nasa 21,000 MT kada buwan
Noong Enero 10 ay nag-anunsiyo ang DA na aangkat ng 22,000 MT ng sibuyas upang matugunan ang mataas na presyo at supply shortage sa bansa. EVELYN QUIROZ