IPINAG-UTOS kahapon ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang pagsuspinde sa pag-angkat ng sibuyas habang iniimbestigahan ng Philippine Competition Commission (PCC) at ng National Bureau of Investigation (NBI) ang napaulat na kartel, na nagmamanipula sa buying price ng locally-produced onion.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Piñol na mapipigilan ng suspensiyon ang operasyon ng kartel kung saan pinupuwersa nila ang pagbaba sa buying price ng local onions sa pagpapaupa at pagsasara sa cold storage facilities sa mga magsasaka.
Ang presyo ng pulang sibuyas ay bumagsak sa P15 kada kilo mula sa P30 kada kilo.
Ani Piñol, dahil harvest season ngayon ng sibuyas sa Central Luzon, Mindoro at Iloilo, ang mga negosyante ay nagsimula na sa kanilang manipulasyon sa merkado.
“The practice in the onion industry is for local farmers to store their excess production in cold storage facilities and release this to the market at off-season,” anang kalihim.
Ilan sa storage facilities na ito ay itinayo gamit ang pondo ng gobyerno at itinurn-over sa mga kooperatiba ng mga magsasaka, ilan sa mga ito ay nakikipagsabwatan umano sa mga big time trader ngayon.
Pinopondohan ng DA ang konstruksiyon ng tatlo pang cold storage facilities ngayong taon sa Tarlac, Mindoro at Iloilo.
Nauna nang hiniling ng onion farmers sa San Jose City, Nueva Ecija ang tulong ng pamahalaan sa gitna ng mababang presyo ng kanilang produkto kung saan ang top quality ay nasa P15 hanggang P16 kada kilo.
Ayon sa Office of the Provincial Agriculturist, hindi bababa sa 21,086 farmers ang nagtanim ng sibuyas sa may kabuuang 11,502.84 ektarya sa 22 bayan at lungsod sa Nueva Ecija ngayong taon.
Noong Miyerkoles ay hiniling ng DA sa PCC at NBI na imbestigahan ang mga ulat na isinara ng mga trading firm ang apat na major cold storage facilities upang mapilitan umano ang mga magsasaka na ibagsak ang presyo ng kanilang produkto. PNA
Comments are closed.