ONLINE AGENT TIMBOG SA P1-M MARIJUANA

NASAMSAM ng pulisya ang halos P1 milyon halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isang drug personality na listed bilang high value individual (HVI) matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police officer-in-charge Col. Salvador Destura, Jr., ang naarestong suspek na si Jao Co, 26-anyos, online agent at residente ng 168 Esteban St. Brgy. Dalandanan.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr., sinabi ni Destura na naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang suspek matapos bentahan ng transparent plastic-wrapped brick ng marijuana na nagkakahalaga ng P11,000.00 ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Ayon kay SDEU chief Capt. Joel Madregalejo, isinagawa ang buy-bust operation dakong alas-1:10 ng madaling araw sa harap ng Dalandanan covered court sa San Simon St. Brgy. Dalandanan matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta ng ilegal na droga ang suspek.

Maliban sa isang plastic-wrapped brick ng pinatuyong dahon ng marijuana na nabili sa suspek, nakumpiska rin dito ang pitong bricks ng marijuana na nakalagay sa duffle bag at paper bag na tumitimbang lahat ng 8000 gramo at may standard drug price value na P960,000.00 at buy bust money na isang tunay na P1,000 bill, kasama ang 10-pirasong P1,000 boodle money.

Sinabi ni Destura na kasong paglabag sa Sections 5 at 11 under Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act) ang kanilang isasampa kontra sa naarestong suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
EVELYN GARCIA