MAGIGING mabilis na ang pagkuha ng mga Filipino seafarer ng kanilang Seafarer’s Identification and Record Book (SIRB) dahil sa Online Appointment System na inilunsad kahapon ng Maritime Industry Authority (MARINA).
Ayon sa Marina, ang SIRB Online Appointment System ay maaaari nang ma-access simula Nobyembre 5, 2018.
Sinabi ng Marina na ang implementasyon ng SIRB Online Appointment System ay bahagi ng computerization at automation program nila.
Layunin nito na mapabilis at mas maging epektibo ang serbisyo publiko partikular na sa mga seafarer.
Aabot umano sa US$5.8 bilyon ang naiaambag ng mga Filipino seafarer sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa noong 2017 kaya’t marapat lamang na gantihan ito ng pamahalaan ng mahusay na serbisyo sa kanila.
Nabatid na sa SIRB Online Appointment System ay maaring ma-access sa pamamagitan ng kanilang website na www.marina.gov.ph, kaya’t makatitipid na ang mga Marino sa oras at enerhiya, na maaari na nilang gugulin sa kani-kanilang mga mahal sa buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ