HINIKAYAT ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang Committee on Regulatory Relief na gawing madali ang pagpaparehistro ng mga maliliit na online business.
Ang nasabing komite ay binuo ng pamahalaan sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act para tukuyin ang mga private sector project na qualified para pagkalooban ng regulatory relief.
Bukod sa gawing simple ang proseso sa registration ng maliliit na online businesses, hiniling din ni Salceda sa komite na alisin ang registration fees na ipinapataw ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ipinunto ni Salceda,na siya ring may-akda ng panukalang Online Small Business Support Services Act, na maraming mga small online business ang gustong gawing lehitimo ang kanilang mga negosyo pero nahihirapan dahil sa proseso ng mga licensing agencies.
Sa ilalim ng kasalukuyang proseso, kailangang humarap sa 10 ahensiya para lamang makapagparehistro ng negosyo sa bansa.
Bukod dito ay aabutin pa ng 33 araw para makumpleto ang proseso at kailangan pang magbayad ng registration fees sa BIR para sa pagbabayad ng buwis. CONDE BATAC
Comments are closed.