NAGTATAG ang tatlong law enforcement agencies bilang technical working group (TWG) para sugpuin ang online black-market sale ng mga sanggol.
Sa pahayag ni Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Alexander Ramos, ang mga sanggol ay ibinebenta sa pamamagitan ng mga grupo sa Facebook sa halagang P30,000 hanggang P2 milyon batay sa datos ng Philippine National Police (PNP).
“Ang iligal na pag-aampon ng mga sanggol ay hindi na bago ngunit ito ay nangyayari sa loob ng maraming taon. Pero ang black-market trade ay nagiging mas sopistikado na ngayon sa paggamit ng social media,” ani Ramos.
Ang CICC, ang National Authority for Child Care (NACC), at ang Women and Children Protection Center (WCPC) ng PNP ay nakipagtulungan upang matukoy ang mga magulang, broker, at iba pang sangkot sa ilegal na pag-aampon.
Ang partnership ay ginawa sa closed-door meeting nina Ramos, NACC Executive Director Janella Ejercito Estrada at Col. Renato Mercado, hepe ng Anti-Trafficking in Persons Division sa ilalim ng WCPC.
Sa kaganapan, sinabi ni Mercado na apat na bagong aktibong Facebook group na sangkot sa black-market sale ng mga sanggol ang natukoy bilang karagdagan sa dalawang grupo na kinilala ng CICC sa parehong social media platform.
Sinabi ni Estrada na ang mga black market na ito ay nagsisimula na ring mag-alok ng mga surrogacy o ang proseso kung saan ang isang babae ay nagdadala at naghahatid ng isang bata para sa isang mag-asawa o indibidwal.
Umapela rin ito sa mga interesado sa pag-aampon ng mga bata na dapat silang direktang makitungo sa NACC sa halip na gumamit ng ilegal na pag-aampon.
EVELYN GARCIA