ONLINE BOOKING, VACCINATION CARD KAILANGAN SA DOLOMITE BEACH

BINUKSAN kahapon sa publiko ang Manila Baywalk Dolomite Beach habang nakabakasyon ngayong holiday season.

Subalit, hindi na tulad ng dati na puwedeng pumasok basta-basta ang mga gustong mamasyal dahil kailangan nang kumuha ng online appointment ang mga nagnanais pumunta rito.

Sa naturang online appointment, may QR code na i-scan at lalabas na ang booking page na magsisilbi na ring contract tracing.

Makatatanggap din ng email confirmation para sa kanilang schedule dahil mayroon lang isang oras para manatili sa baybayin.

Kapag tapos na ang 1 oras, iaanunsyo ito at palalabasin na ang lahat sa hiwalay na designated exit.

Aabot sa 300 bisita lang ang puwede kada schedule para makontrol ang publiko.

Kahapon hindi pa masyadong marami ang bisita kumpara noong una itong binuksan na dagsa ang mga tao at hindi na naipatupad ang physical distancing.

Gayunpaman,bawal pa rin ang 11-anyos pababa dahil hindi pa sila bakunado kontra-COVID-19.

Pinapayagan naman ang walk-in kung hindi nakapag-book basta bakunado.

Gayundin,puwede pang mamasyal hanggang Miyerkoles bago muli itong isara sa Disyembre 30.

Sa Enero naman ulit bubuksan ang dolomite beach pagkatapos ng holiday season.