ONLINE BUYING NG COVID-19 RAPID TEST KITS BAWAL-DOH

Test Kit

BINALAAN ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa pagbili online ng COVID-19 rapid test kits.

Ang babala ay ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos na matukoy na maraming COVID-19 rapid test kits ang ipinagbibili na ngayon online.

Binigyang-diin ni Vergeire na tanging mga healthcare workers lamang ang awtorisadong magsagawa ng naturang pagsusuri.

“Sana po ay ‘wag po kayong bibili ng ganito online at ipapagawa kung kani-kanino lang. Ito po ay gagamitin sa loob ng ospital with the guidance of a doctor,” ani Vergeire.

Nauna rito, inanunsiyo ng Food and Drug Administration (FDA) na inaprubahan na nila ang paggamit ng limang uri ng COVID-19 rapid test kits sa bansa.

“Ang mga rapid test kits na ito ay hindi ibinebenta sa publiko. Tanging mga ospital at healthcare workers lamang ang maaaring mag-administer nito kung kaya’t ‘wag po tayong bastang magtitiwala sa hindi authorized na mag-aalok ng rapid test kits,” babala pa ni Vergeire. ANA ROSARIO HERNANDEZ

2 thoughts on “ONLINE BUYING NG COVID-19 RAPID TEST KITS BAWAL-DOH”

Comments are closed.