BUMUO ang Kamara ng technical working group (TWG) para pag-aralan ang panukala hinggil sa pag-aalis ng access sa online sites na may copyright infringement o violation.
Sa ilalim ng House Bill 8001 ay pinakikilos ang Intellectual Property Office (IPO) at ang National Telecommunications Commission (NTC) para tuluyang ipagbawal ang access sa mga website na may paglabag sa copyright.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at Kabayan partylist Rep. Ron Salo, itinalagang mamuno sa nasabing TWG, ang HB 8001 ay naglalayong magpatupad ng batas kontra sa mga lumalabag sa copyright law, partikular na sa sektor ng online o cyberspace.
Sa pamamagitan ng naturang panukalang batas, ang IPO, sa pakikipagtulungan nito sa NTC, ay maaaring limitahan kung hindi man tuluyang isara ang access sa mga website na gumagamit ng iba’t ibang anyo ng media gaya ng musika at pelikula na walang kaukulang permiso mula sa may-ari o may hawak ng copyright nito.
“HB 8001 lays down the necessary legal framework, which will facilitate the proper coordination and support between the IPO and the NTC, in restricting access to websites that are being used to facilitate copyright violations,” sabi pa ng ranking House leader.
Giit ng partylist lawmaker, may mga common website na nagsasagawa ng illegal distribution ng copyrighted materials na ang operasyon ay nasa labas ng bansa at karamihan umano ay nasa Eastern Europe.
Dahil nasa labas ng hurisdiksyon ng Filipinas ang operasyon ng cyberspace maintainers na ito ay nakaiiwas sila mula sa kaukulang aksiyon na maaaring gawin sa kanila ng alinmang ahensiya sa bansa.
Bunsod nito, nais ng Kamara na sa mga itinuturing na ‘meritorious cases’ patungkol sa copyright infringement, sa ilalim ng HB 8001, ang IPO ay magrekomenda sa NTC na kanselahin ang lisensiya ng internet service providers na sangkot sa paglabag sa copyright.
“Once this bill becomes a law, our local creative wizards – musicians, filmmakers, content providers, and the entire Fili-pino entertainment industry will be protected from unauthorized use of their works, saving them losses amounting to billions of pesos,” dagdag ni Salo. ROMER R. BUTUYAN/ CONDE BATAC
Comments are closed.