KUNG isa ka sa mga Marites at Maribel ng barangay, pakinabangan mo ang pagiging human CCTV mo. Sa ganyang paraan, kumita ka na, nawalan ka pa ng kaaway. Kasi, bagay na bagay sa’yo ang negosyong pagiging online dating coach – tutal, mahilig ka namang makiusyoso sa buhay ng may buhay. Esep-esep!
Paano magsimula ng dating consulting business? Syempre, let’s start with the basics. Unahin mo muna ang pagpaplano kung ano talaga ang Online Dating Consulting Business mo. Gawin itong legal. May pangalan, may address, at syempre, nakarehistro sa Department of Trade & Industry (DTI) at sa BIR. Syempre rin, mag-open ka ng Business Bank Account & Credit Card para alam mo ang ins and outs ng pera.
Hindi mo kailangang mag-PhD para maging professional dating consultant, mas okay kung meron kang college degree like social work o psychology, training bilang therapist o kaya naman, certification course sa psychology para makakuha ng potential clients. Pero sa true lang, kahit high school graduate ka lang, pwede na basta magaling ka, pwede na.
O, e ano naman ang role mo bilang online dating coach?
Bilang dating coach, ikaw ang gagawa ng paraan para magkita at magkakilala ang mga singles na gustong magkaroon ng partner. Siguruhin mo lang na singles talaga ang pinagpapartner mo at baka sa halip maging homewrecker ka pa sa halip na cupid.
Ang problema ngayon, paano ba humanap ng kliyente. Problema ba yon? Andami kayang naghahanap ng boyfriend at girlfriend, nahihiya lang. Pero sabi ko nga, ingat-ingat lang.
Para makasiguro, ikaw muna ang humarap sa mga kliyente. Interbyuhin mo, i-match, at saka sila i-set ng date. At gumawa ka ng background checks at personality testing dahil maraming manloloko ngayon.
Okay, may dating business ka na. E magkano naman ang kikitain mo? Magkano ba dapat ang sisingilin?
Mahal ang singil sa ibang bansa na umaabot pa sa humigit kumulang $300 per hour, minsan, mas mahal pa.
Sa Pilipinas, pwede na siguro ang P500 per head.
In other words, kikita ka ng P1,000 per pair. Actually, compensated ka na emotionally kapag may naging successful pair. KAYE NEBRE MARTIN