SA gitna ng patuloy na community quarantine, pinayuhan ang mga umuuwing manggagawa o Balik Manggagawa (BM) na gamitin ang BM Online Evaluation para sa maayos na pag-proseso ng kanilang travel exit clearance o Overseas Employment Certificates (OEC).
Ito ang inihayag kahapon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) alinsunod sa Memorandum Circular No. 02, Series of 2021, pinapalawig ng POEA ang implementasyon ng BM online evaluation bilang suplemento sa kasalukuyang BM Online System.
Layon nito na gamitin ang pinalawak na online evaluation ng mga balik-manggagawa na may dati ng online record at hindi nakumpleto ang kanilang online transaction ay mag-log-in sa kanilang umiiral na account sa www.bmonline.ph para makakuha ng kanilang OEC.
Kung walang inisyung OEC exemption certificate ang system, papayuhan ang BM na magtakda ng appointment at piliin ang kanilang ninanais na petsa at POEA processing site.
Kailangang i-scan ng BM o kunan ng larawan ang mga kinailangang dokumento para isumite kasama ang kanilang balidong pasaporte na hindi bababa ng anim na buwan mula sa petsa ng kanilang pag-alis, balido at naaayong bisa o work permit, at beripikadong POLO employment contract.
Kaugnay din nito, ang OFW na babalik sa parehong employer pero matatalaga sa ibang bansa ay kinakailangang magsumite ng sulat mula sa employer na nagpapatunay ng paglipat ng lugar ng trabaho.
Kinakailangan ding magsumite online ng manggagawa ng kopya ng kanilang quarantine travel pass at clearance, kopya ng pahina ng pasaporte kung saan nakatala ang departure at arrival date, kopya ng BM appointment sheet, dating inisyung OEC, at kompirmadong itinerary.
Gayunpaman, hindi maaaring mag-aplay ng online evaluation ang mga dating undocumented BM, walang BM online account, may watchlisted employer, mga babalik sa restricted market, watchlisted worker, gayundin ang mga household service workers.
Samantala, ang mga newly-hired at returning OFWs na may hawak na overseas employment certificates (OECs) na may expired validity date ay maaaring ipa-revalidate ang kanilang exit clearance sa alinmang Philippine international airport sa araw ng kanilang pag-alis.
Kinakailangang magpunta ang OFW na may expired OEC sa POEA Labor Assistance Center (LAC) sa araw ng kanilang pag-alis at isumite ang mga kinakailangang dokumento, kasama ang orihinal na kopya ng kanilang expired OEC, kopya ng employment contract, balidong work permit/visa, at ang kanilang balidong pasaporte.
Tatatakan ang expired OEC ng “CLEARED” matapos itong dumaan sa pagsusuri. PAUL ROLDAN
Comments are closed.