ONLINE EXTORTIONIST

extortionist

HULI SA ENTRAPMENT OPS CAMP CRAME – NAARESTO ng PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) ang isang 24-anyos na lalaki sa kasong pangingikil sa Caloocan City.

Kinilala ni Chief Supt. Marni Marcos Jr., director ng PNP-ACG ang inaresto na si Bien Marco Gopez ng BF Homes. Brgy. 167.

Sinabi ni Supt. Mary Ivy Salazar, pinangunahan ni Chief Insp. Levy Lozada ang entrapment operation laban kay Gopez sa isang remittance outlet sa Teofilo Samson Avenue, sa nasabing barangay.

Nakuha sa suspek ang P4,000 na hiningi nito sa kanyang biktima at ang cellphone na ginagamit sa negosasyon ng kanyang pangingikil at blackmail.

Sa reklamo ng 25-anyos na biktima mula sa Antipolo City, nakilala niya ang suspek sa social media  noong Agosto 2017 at nag-simula ang kanilang relasyon kaya naman nakipagpalitan sila ng nude photos.

Subalit kinalaunan, hini­hingan na siya ng pera ng suspek at tinakot na ilalabas sa social media ang larawan kapag hindi ibinigay ang gustong halaga ng pera.

Kaya naman ikinasa ang operasyon ng pulisya at nadakip si Gopez.

Kasong Robbery (Extortion) Under Art. 294 in relation to Sec. 6 of Republica Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang ikakaso kay Gopez. EUNICE C.

Comments are closed.