PATULOY na papayagan ang online gambling sa bansa sa kabila ng kahilingan ng China na ipagbawal ito ng pamahalaan, ayon kay Manila Ambassador to Beijing Jose Santiago Sta. Romana.
“They can’t dictate on us. Those are sovereign decision[s]. That is where we stand,” wika ni Sta. Romana sa mga reporter sa Beijing nang tanungin hinggil sa desisyon ng bansa sa kahilingan ng Chinese government.
Binanggit si presidential spokesperson Salvador Panelo, sinabi ni Sta. Romana na posibleng sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping na legal ang online gambling sa Filipinas sakaling talakayin ng huli ang kahilingan sa bilateral meeting na nakatakda kagabi.
Ang anumang uri ng sugal ng mga mamamayan ng China, kabilang ang online gambling, pagsusugal sa ibang bansa, pagbubukas at pag-o-operate ng casinos sa ibang bansa upang makahikayat ng mga mamamayan ng China bilang pangunahing customers, ay ilegal sa China.
Ayon sa ambassador, nagsagawa na ng mga hakbang ang Filipinas upang ma-regulate ang online gambling sa gitna ng mga alalahanin sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ang karamihan sa mga empleyado ay mga Tsino.
“We’re trying to regulate, to tighten the screws, so to speak, and to monitor. I mean all these efforts, you know, the creation of the hubs, issuance of TINs [Taxpayer Identification Number],” ani Sta. Romana.
Noong nakaraang linggo ay hiniling ng pamahalaan ng China sa Filipinas na i-ban ang lahat ng online gambling makaraang itigil ng huli ang pagtanggap ng aplikasyon para sa offshore gaming licenses hanggang hindi natutugunan ang lahat ng isyu hinggil dito.
Sa isang press conference sa Beijing ay sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Geng Shuang na, “Offshore gaming is the most dangerous tumor in modern society.”
“We have also taken note of the Philippine government’s announcement and appreciates it. We hope the Philippines will go fur-ther and ban all online gambling,” ani Geng.
“We hope it will further strengthen law enforcement with China and jointly tackle criminal activities including online gambling and cyber fraud. This will help create an enabling environment for the development of bilateral relations and peace and stability in the region,” dagdag pa niya.
Sinuspinde ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang pagtanggap ng mga bagong aplikasyon para sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) licenses habang nirerepaso ang mga existing contract nito.
Nauna rito ay nagbabala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang operasyon ng POGO malapit sa mga kampo ng militar ay maaaring gamitin sa pag-eespiya, lalo’t karamihan sa mga empleyado nito ay mga Chinese.
Comments are closed.