ONLINE INFLUENCER, 2 PA NABIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING

TATLO pang biktima ng sindikato ng human trafficking kabilang ang isang online influencer sa Myanmar ang pinauwi.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco ng mga miyembro ng travel control and enforcement unit (TCEU), ang tatlong biktima na may edad 20 hanggang 30 anyos ay dumating sakay ng Singapore Airlines nitong Hunyo 15 galing Myanmar sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ang tatlong biktima ay umalis noong April 2023 bilang mga turista patungong Singapore bagaman inamin na ni-recruit sila online bilang mga call center agent sa Thailand subalit, huli na nang nalaman na ibibiyahe pala sila sa Yangon, Myanmar bilang mga pekeng mga call center na sangkot sa scamming.

“One of the victims was even an online influencer, with more than 10 thousand subscribers,” ayon kay Tansingco.

Bunsod nito, muling nagpaalala ni Tansingco sa overseas workers na gustong umalis ng bansa bilang mga turista.

“Huwag matigas ang ulo, napakarami nang nabiktima, paulit-ulit na ang mga nangyayari sa kanila,” ayon kay Tansingco. “Leaving as tourists makes you more vulnerable, and we have received reports of victims being physically abused by these traffickers. If you wish to work abroad, do so legally, through the Department of Migrant Workers,” dagdag pa nito.

Ang mga biktima ay inasistihan ng NAIA Task Force against Trafficking, National Bureau of Investigation, Overseas Workers Welfare Administration at Department of Migrant Workers.
PAUL ROLDAN