ONLINE PAYMENT COLLECTION NG LTO PUMALO SA P4-B

STRADCOM APRIL 22

INANUNSIYO ni Land Transportation Office (LTO) NCR West Regional Director Atty. Clarence Guinto na pumalo na sa P4 bilyon ngayong Abril ang nakolekta ng ahensiya sa pagpaparehistro ng mga bagong sasakyan sa pamamagitan ng online payment channels nito.

Pinarangalan ng LTO sa Quezon City ang iba’t ibang organisasyong naging katuwang nito para makamit ang naturang tagumpay. Dinaluhan ni LTO chief Asec. Edgar Galvante, Dir. Guinto, at iba pang opisyal ng LTO, maging ang mga partner ng ahensiya mula sa pampubliko at pribadong sektor, ang okasyon.

Ayon kay Guinto, ang implementasyon ng LTO Payment Assessment Tool (LTO PAT) at ng Land Bank electronic Payment Portal System (ePPS) ay nagbigay-daan sa mas mabilis at maayos na payment option para sa mga kliyente ng LTO.

Dagdag pa ni Guinto, nakatulong ang online payment alternative na ito upang mapatibay ang integridad ng cash management system ng LTO.

Ang LTO PAT ay dinevelop ng information technology (IT) company na STRADCOM na siya ring nasa likod ng pag-automate ng proseso at sistema ng LTO. Ang LTO PAT, na unang ginamit sa LTO NCR noong Oktubre 2018, ay naglalayong pabilisin ang proseso ng pagrerehistro sa mga bagong sasakyan mula sa kadalasang pitong araw hanggang sa maging tatlong araw na lamang.

Idinagdag pa ni Guinto, naging positibo ang pagtanggap ng publiko sa sistemang ito dahil sa pinadali at pinasimpleng transaksiyon.

Pinasalamatan din ni Guinto ang STRADCOM na aniya’y matagal nang umaalalay sa LTO upang mapabuti ang pagbibigay ng serbisyo publiko ng ahensiya. Sa kasalukuyan, nasa higit 300 motor vehicle-dealing companies na ang gumagamit ng LTO PAT sa buong bansa.

Ayon kay STRADCOM spokesperson Lorie Bundoc, isang malaking karangalan para sa kanila ang maging katuwang ng LTO sa pagbibigay ng mas maayos na serbisyo publiko sa pamamagitan ng online service initiatives. Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng STRADCOM sa LTO upang mas mapalawak ang serbisyong puwedeng gawin sa LTO PAT at maparami pa ang mga payment partners nito.

Ang LTO PAT ay isang inisyatibo ng LTO alinsunod sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 na naglalayong pabilisin ang mga transaksiyon ng mga tanggapan ng gobyerno, tanggalin ang red tape, at maiwasan ang korupsiyon. BENEDICT ABAYGAR, JR.