ONLINE PLATFORM AYUDA NG DOLE SA INFORMAL WORKERS

Online Platform

MAY alok na marketing assistance ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa sa impormal na sektor sa pamamagitan ng isang online platform upang tulungan sila at ang mga micro-entrepreneur na ibenta at ma-promote ang kanilang mga produkto sa internet.

Tinatawag na DOLE Livelihood Beneficiaries Products Showcase (DLBPS) ang libreng free online market platform na ginawa at pinamamahalaan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), at naglalayong linangin ang kapasidad sa pagbebenta ng mga benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

Upang mas matulu­ngan sila sa paglinang ng kanilang mga produkto at serbisyo, mayroon ding product review sa online platform kung saan maaaring magbigay ng kanilang feedback o rate ang mga buyer o customer sa mga naibentang produkto.

Dumalo sa pagpapasinaya ng online platform sina Labor Undersecretary Ana Dione, representing Secretary Silvestre Bello III; Undersecretary Ciriaco Lagunzad III; Assistant Secretary Benjo Santos Benavidez; BWSC Director Ma. Karina Perida-Trayvilla; mga stakeholder at iba’t ibang informal sector at livelihood groups, tulad ng mga construction worker, asosasyon ng mga kasambahay, micro-entrepreneurs, at grupo ng mga tricycle driver.

“Kinikilala namin ang natatanging kontribusyon ng mga ­manggagawa sa impormal na sektor sa bansa. Nais naming iangat ang estado ng kanilang pamumuhay, palakasin ang kanilang mga negosyo, at protektahan ang kanilang mga karapatan bilang mga manggagawa,” wika ni Bello sa kanyang mensahe na binasa ni ­Dione.

Ayon kay Benavidez, pangunahing layunin ng kagawaran ay ang transisyon ng mga informal worker patungo sa pormal na ekonomiya. Dagdag pa niya, ito ang dahilan kung bakit naisipan ng DOLE na ilunsad ang online marketing platform upang tulungan ang mga benepisyaryo sa pagbebenta ng kanilang mga produkto.

“Nais namin na magkaroon kayo ng matatag na hanapbuhay. Isa lamang ito sa mga pamamaraan na aming naisip upang mas maibenta ninyo ang inyong mga produkto,” sinabi pa ni Benavidez sa mga manggagawa.

Pinasinayaan ang online platform bilang isa sa mga aktibidad kasabay ng selebrasyon ng labor day para sa mga informal worker na may temang “Tungo sa Matatag at Masaganang Pagnenegosyo,” na ginanap sa Parañaque City Hall, Parañaque City noong Mayo 6.

Inimbitahan din ng BWSC ang dalawang entrepreneur na nabigyan ng benepisyo sa livelihood upang magbahagi ng kanilang kuwento ng tagumpay sa mga kapwa nila mga manggagawa.

Patuloy namang ni­lilinang ng BWSC ang platform upang maglaman ng mga kinakaila­ngang impormasyon ng mga benepisyaryo at kanilang mga produkto. PAUL ROLDAN