ONLINE PLATFORM INILUNSAD PARA SA AGRARIAN REFORM BENEFICIARY ORGANIZATIONS

HINDI maitatanggi na talagang kayod-kalabaw na rin sa pagsasaka ang ilang mga kababayan natin sa mga probinsya.

Sinasamantala raw ng iba ang magandang buhos ng ulan para patubigan ang kanilang sakahan.

Sa ganitong paraan ay makakabawi sila sa doble dagok na nararanasan dulot ng pandemya.

Nariyan ang katotohanan na kulang na kulang sila sa makinarya para mapadali ang pagsasaka.

Dagdagan pa ng pambabarat ng mga trader sa pagbili ng kanilang mga ani.

Dahil sa masamang panahon, hirap naman ang ilang magsasaka at tindera na ibenta ang kanilang mga inaaning produkto.

Mahirap nga namang isalya ang mga high-value crop dahil sa krisis na sinabayan pa ng pag-arangkada ng panahon ng tag-ulan.

Tuwing tag-ulan, bumababa ang kalidad ng mga gulay at prutas.

Madali itong masira at mabulok pagdating sa palengke.

Lugi na sa gastos sa pagtatanim, pagdating sa palengke ay ganoon din.

Hangga’t hindi raw sapat ang ibinibigay ng Department of Agricuture na ayuda sa mga maliliit na magsasaka, aba’y hindi mawawala ang problema sa sektor ng agrikultura.

Pero hindi natin maaaring lahatin ang mga taga-DA at Department of Agrarian Reform (DAR).

Ang DAR 6 o Western Visayas kasi ay naglunsad kamakailan ng isang online platform para ibida ang mga produkto ng kanilang Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs) at tulong na rin para malawak ang mararating nitong merkado ngayong pandemya.

Ang ARBO Merkado Facebook Page Shop ay isang marketing strategy na dinisenyo hindi lamang para sa mga local client kundi maging sa labas ng rehiyon.

Ayon kay DAR-6 Director, Atty. Sheila Enciso, nasa 29 ARBOS ang inaasahan nilang magbebenepisyo rito.

Kasama sa mga ibinebenta nila ay mga pagkain at non-food items na talagang nakaaakit daw sa mga kustomer.

Napapansin din ng DAR na may mga middleman na pumapasok kung saan kumikita rin sila sa pamamagitan ng pagpapaganda sa packaging ng mga produkto na nabibili nila sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) beneficiaries.

Nakakabili rin daw ng bultuhan at tingi-tingi pero nais burahin ng ahensiya ang ganitong sistema.

Tampok naman sa bagong page ang mga larawan ng mga produkto na nakalagay na ang presyo at contact details para sa mga gustong umorder.

Maaari ring makipag-usap mismo ang buyers sa sellers para sa shipment ng bibilhin nilang produkto.

Sa tulong daw ng page, ang agrarian reform beneficiaries (ARB), sa pamamagitan ng ARBOs, ay puwedeng makipag-deal sa buyers kaya mawawalan ng pagkakataong sumingit ang mga middleman.

Ang launching ng nasabing online platform ay isa sa mga naging highlight sa virtual ARB Summit na may temang “Benepisyaryo sang Programa para sa Repormang Agraryo, Bida Kontra Pandemya”.

Sa summit, ipinakilala rin sa ARBs ang iba’t ibang mga programa at serbisyo, tulad ng financing, insurance, at livelihood support, na puwede raw ma-avail sa pakikipagtulungan ng DAR sa kanilang partner agencies.

Sa Pangasinan, bukod sa pamimigay ng libreng binhi, abono at ilang farm machinery, kung hindi ako nagkakamali ay sinimulan din noong nakaraang taon ang programang “Abig Pangasinan” na layong matulungan ang mga residente na apektado ng pandemya, kabilang na ang mga magsasaka at mangingisda.

Mismong ang pamahalaang panlalawigan daw ang bumibili ng mga produkto para ipamigay naman sa relief distributions at pagkain ng mga pasyente sa mga ospital.

Ngunit sa kabila ng iba’t ibang programa ng mga lokal na pamahalaan, DAR at DA, tila hindi pa rin sapat ang mga tulong na ito sa ating mga magsasaka.

Kailangang mabuhusan ng tulong ang mga ito.

Bigyan pa sila ng sapat na mga binhi ng palay na madaling anihin at agad napapakinabangan.

Huwag maging ningas-kugon o kung kailan lumitaw ang problema ay saka pa aaksiyon.

Mahalagang iprayoridad ang paggawa ng irigasyon na lubhang kailangan ng mga magsasaka sa pagtatanim.

4 thoughts on “ONLINE PLATFORM INILUNSAD PARA SA AGRARIAN REFORM BENEFICIARY ORGANIZATIONS”

  1. 908969 707002This internet internet site is truly a walk-through for all of the information you wanted about this and didnt know who to ask. Glimpse here, and youll undoubtedly discover it. 43558

Comments are closed.