INILUNSAD ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang online sytem para sa renewal ng mga business permit kabilang ang mga bagong tayo na negosyo na sisimulan sa pagpasok ng susunod na taon.
Pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano nitong Lunes ang paglulunsad ng business permit online processing sa main lobby ng City hall kasama ang mga namumuno sa iba’t-ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Calixto-Rubiano, ang bagong sistema na tinawag na Pasay E-Business Go Live ay idinisenyo para sa contactless processing ng permit upang maiwasan ang harapang pakikipagtransaksiyon ng mga empleyado ng city hall at ng mga indibidwal na nagpoproseso ng kanilang mga permit.
“Ito ay isa sa mga hakbangin ng Pasay LGU upang matulungan ang business sector sa ating lungsod na makabawi mula sa epekto ng pandemya habang tinitiyak din natin na maipatupad ang minimum health at safety standards,” ani Calixto-Rubiano.
Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na sa pamamagitan nito ay magiging convenient, mas madali at mas mabilis ang pagpoproseso ng business permit ng bawat negosyo sa lungsod.
Ang naturang E-Business app ay pangunahing pangangasiwaan ng Business Permit and Licensing Office at maaaring ma-access sa https://eodbbusiness.pasay.gov.ph/Account/Login. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.