ONLINE SABONG I-REGULATE NG GOBYERNO

SABONG NGAYON

BAGAMAN pinayagan nang magbukas ang ilang cockpit o sabungan sa ilang lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) o mas mababa pa, marami pa rin sa ating mga kasabong ang HINDI HAPPY dito dahil hindi pa rin pinapayagan ang in-person audience at online betting.

Ang ibig sabihin po nito ay bawal pa sa mga sabungan ‘yung mga MANANAYA o MAGTRATRABISYA. Sa inilabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) noong nakaraang linggo, pinahihintulutan na nito na makapag-operate ang mga lisensiyadong sabungan basta mahigpit na ipatutupad ang social distancing, minimum health protocols at implementing guidelines na inisyu ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Subalit marami po sa ating mga kasabong ang umalma sa polisiyang ito na ipinatutupad ng ating pamahalaan dahil hindi umano ito patas at ma-katuwiran.

Bakit nga naman hindi sila magrereklamo? Ang punto kasi ng ilan nating mga kasabog, kung talagang bawal ang ONLINE o REMOTE BETTING sa mga sabungan, eh bakit, anila, pinapayagan ang mga ONLINE SABONG o sadyang wala lang talaga magawa ang nasa pamahalaan para ipatigil ito.

Hindi po manunugal ang inyong lingkod, gamefowl lover o passionate lang po tayo sa pagmamanok. Kaya nais ko pong linawin sa inyo na hindi po natin pino-promote ang sugal sa kolum na ito, bagkus gusto lang po nating itama ang mali at maging pantay-pantay.

Kaya panawagan po natin sa pamahalaan, partikular ‘yung mga bumubuo sa IATF, na ipatigil din nila ang ONLINE SABONG kung ipinagbabawal nila ang ONLINE BETTING sa mga sabungan. Para po maging patas at walang masabi ang ilan nating mga kasabong.

Unang-una po, kahit saan po natin tingnan ay talagang maling-mali ang ONLINE SABONG na ‘yan dahil kung tutuusin ilegal ito kung wala itong lisensiya para makapag-operate at kung hindi ito nagbabayad ng buwis sa gobyerno. Kung ganoon ay iilan lang ang nakikinabang dito. Baka naman may padulas diretso sa bulsa ng ilang indibidwal kung kaya hindi magalaw-galaw ito? Nagtatanong lang po. Alam naman natin kung sino ang nasa likod nito.

At may nakapagsabi po sa atin na talagang malaki ang perang pumapasok dito, milyon-milyon. Talagang malakas dahil pati pala mga foreigner tuma-tangkilik na rin sa ONLINE SABONG.

Sana po kung talagang hindi na matitigil ang ONLINE SABONG, eh i-regulate na lang ng gobyerno at buwisan para mas maraming makikinabang na mga kababayan natin.

Bago pa man payagan ng pamahalaan na makapagbukas muli ang mga lisensiyadong sabungan ay binabalak na rin mag-ONLINE SABONG ang malaking asosasyon ng mga gamefowl breeder, ang International Federation of Gamefowl Breeders Associations o FIGBA. Pero hindi umano ito katulad ng isang nagpapa-ONLINE SABONG na sila-sila lang ang kumikita. Sa FIGBA, gagawin ang pasabong sa bawat local breeders association sa buong bansa, siyempre ay mahigpit na ipatutupad ang minimum health standards, at ang maganda raw dito, lahat ay makikinabang lalong-lalo na ang mga asosasyon. Under regulation ito ng pamahalaan kaya siguradong magbabayad ng buwis. Hindi pa natin naitatanong kung itutuloy pa nila ito gayong puwede nang makapag-operate ang mga sabungan.

Sa totoo lang, bago pa man magkaroon ng pandemya ay mayroon na talagang ONLINE SABONG. Hindi lang po natin alam kung regulated ito ng pamahalaan. Kaya naman kung hindi talaga ito matitigil, mas maiging gawing legal na lang ito. Sa tingin ninyo,  mga kasabong?

Comments are closed.