ONLINE SABONG: PERA-PERA NGA LANG BA?

SABONG NGAYON

NAGING  bahagi na ng ‘new normal’ ang online sabong dahil magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin pinapayagan ng gobyerno ang pagbubukas ng mga sabungan bunsod ng kinakaharap na krisis pangkalusugan.

Kaya pansamantala, ang ilan sa ating mga kasabong ay dito muna nagpapalipas ng kati sa sabong. Malakas ang pustahan dito at kahit sa maliit na puhunan lamang ay puwede kang makapagsugal dito. Tama po ang nabasa ninyo, malakas ang sugal dito, at taliwas ito sa tradisyunal at nakasanayang hilig sa pagmamanok. At ang isa pang tanong dito, since online ito, nagbabayad ba ng buwis ang mga operator nito? Kung mayroon man, baka naman kung kanino-kaninong bulsa lang napupunta? Hindi po ito basta-basta makakapag-operate kung walang basbas galing sa gobyerno.

Ngunit ayon sa nabasa ng inyong lingkod sa isang Facebook post ng isa sa mga kasabong natin, marami umano ang naiinis sa sabong online na pinamumunuan ng isa sa mga tinitingala at iniidolong sabungero.

Aniya, hindi naman siya kontra sa sabong online dahil panahon ng pandemya at nauunawaan niya na hindi pa napapanahon na ibalik sa normal ang sabong, bagay na hindi naiintindihan ng iba at gustong-gusto nang maibalik ito.

Sabi niya, sinisira ng sabong online ang totoong tradisyunal na sabong o ‘yung totoong diwa ng sabong lalo na ‘yung mga laban sa concierto at big events.

Aniya, maaaring hindi alam ng ilan ang totoong labang nagaganap sa online sabong at nagbigay siya ng ilang senaryo kung bakit niya nasabi na sinisira ng online sabong ang totoong diwa ng sabong.

Unang senaryo. Ipapasok umano ng mga tao sa gradas ang dalawang manok, nakapuwesto ‘yung isa sa may maputla, payat nung kinahig hindi masyado kumikilos. Sa wala namang mapula at buo ang katawan at kung kumilos mukhang nasa kondisyon kaya ang tao, one-way ang pusta sa wala dehado mayroong sobrang lalim ng logro. Binitawan ang dalawang manok pinaulanan ng palo ni wala si mayroon bagay na inaasahan ng mamumusta 1, 2 ,3 ,4, 5 ang palo ni wala,  si mayroon hirap gumanti tumatalsik sa laban at si announcer, bilib na bilib pa ang tibay daw ni mayroob hindi tinatablan at ayon pumalo ng isa si mayroon patay si wala. Nakapagdududa, ‘di ba?

Isa pang senaryo. Ipinasok ‘yung dalawang manok, ‘yung isa mukhang tatakbo pero ipinipilit ng magbibitaw na matuloy ang laban at binitawan pumalo ‘yung mukhang tatakbo ginantihan ng palo ng kalaban, ayon tumakbo na.

Isa pa uling senaryo, nag-drag fight halos ‘yung dalawang manok hindi na tumutuka kinaryo tumuka isa si wala si mayroon hindi gumanti,  ibinaba pumalo si wala si mayroon gumanti ng tuka,  break dapat ginawa ng sentensyador bilang dalawa na si wala parehas patay na ‘yung dalawang manok, pinaganti si mayroon hindi na gumanti, bawal ang draw kaya may nanalo na samantalang draw sana iyon.

Senaryo uli si sentensyador parang puppet  na lang nung announcer sa gradas kahit hindi tumuka si wala kapag sinabing tumuka si wala tumuka na samantalang iyong announcer nagsalita din na walang tuka sabay bawi na ay dalawang tuka na pala.

Tanong niya kay idol at bigtime sabungero: pera- pera na lang ba? Aniya, nasaan na ‘yung totoong diwa ng sabong? Kung magpapa-online sila gayahin na lang daw ‘yung tulad sa Manila Cockers Club para hindi tulad ng concierto nila na wala nang may ari ng manok, wala nang handler at iisa lang ang gaffer. O kaya naman bakit hindi na lang daw magpalaban ng stagan sa bawat probinsya nang mailaban ng mga small farm, small breeder katulad niya iyong mga local banded nila.

Gayahin na lang daw iyong palaban sa big event,  ganapin sa isang farm, maaaring sa farm ng presidente ng association, kung hindi naman sa small farm na may gradas.

Sana raw bigyan silang maliliit na breeder ng patas na laban tulad ng sa big event, hindi tulad ng nagaganap sa concierto sa online sabong ngayon.

Apela niya, sana ay ‘wag hayaang masira ang totoong diwa ng sabong, hindi ‘yung pera-pera nalang. Sana makarating daw ang mensahe niyang ito kina GAB chairman Baham Mitra at Congressman Sonny Lagon.

Kung gusto daw talaga ng online sabong, gawin sa bawat probinsya ang mga local banded nang maiwasan din ‘yung illegal na tagpuan nang magkaroon na patas na laban at makasiguro ang mga online mananaya na hindi tsupi ‘yung manok na pinupustahan nila.

Comments are closed.