ONLINE SCAM TUTULDUKAN, INTERNET TRANSACTIONS ACT LUSOT NA SA KAMARA

ONLINE SCAMMER

TIWALA ang pinuno ng House Committee on Trade and Industry na malapit nang matuldukan ang mga online scammer, fake seller at maging ang panloloko sa food and consumer goods delivery matapos ang pinal na pag-apruba ng Kamara sa House Bill no. 7805 o ang Internet Transactions Act (ITA).

Ayon kay Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, chairman ng nasabing komite at principal author ng HB 7805, sa ilalim ng panukalang batas na ito ang pagbuo ng Electronic Commerce Bureau, na siyang magre-regulate at magiging ‘virtual one-stop-shop’ para sa consumer complaints na may kaugnayan sa lahat ng internet transactions.

“The bureau will be the internet trade’s ‘central authority’, that will be tasked to protect consumers and merchants engaged in internet transactions,” paliwanag pa ng House panel chairman.

Sinabi ni Gatchalian na napapanahon ang pag-apruba sa naturang panukalang batas, na isa sa nais maipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lalong madaling panahon dahil mas dumarami ang dumedepende sa internet transactions sa ngayon bunsod na rin ng pagpapatupad ng community quarantine dulot ng COVID-19 pandemic.

Subalit sa paglakas ng online business ay ang pagdami rin naman ng reklamo hinggil sa pandaraya ng sellers at maging ang panloloko ng buyers o customers na ang nagiging biktima ay ang kawawang motorcycle delivery men.

“During these times when people are under a pandemic and relying heavily on online transactions, an enabling law that will impose stricter rules and regulations on the medium to avoid consumers from falling prey to these unscrupulous individuals is all the more needed,” pahayag pa ni Gatchalian.

Kaya naman sa kanyang panukala, itinatakda ang pagpaparehistro ng lahat ng online sellers, na bibigyan ng eCommerce Trust-mark bilang patunay na lehitimong negosyo ang mga ito at magiging basehan din ng consumers kung scammer ba o hindi ang kanilang katransaksiyon.

Bilang proteksiyon naman sa panig ng ride-hailing service provider, ipagbabawal ang pagkansela ng order na food o grocery items kapag ito’y ide-deliver na.

“It would also be illegal to unreasonably shame, demean, embarrass or humiliate ride-hailing service partners,” dagdag pa ni Gatchalian.   ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.