BULACAN – APAT katao ang magkakasunod na nadakip ng Sta. Maria police sa entrapment operation na sangkot sa motornapping kung saan ay ibinibenta online ang mga kinarnap sa Barangay Poblacion at Barangay San Vicente, Sta. Maria.
Kinilala ni P/Col. Chito Bersaluna, Bulacan Police Director, ang mga naarestong sina Jubert Rosales y Relampago alyas Ivan Silliave, 26, may-asawa, pintor, ng Bilucao 1st, Km. 38 Barangay Pulong Buhangin; Ronaldo Araneta, 32, buy and sell; at ang kapatid nitong si Jonas Araneta, massage therapist, at si Jerico Parayray.
Base sa report ni P/Lt/Col. Carl Omar Fiel, chief of police ng Sta. Maria-PNP, bandang alas-9:30 ng gabi nang hindi na nakapalag si Rosales at nabawi sa kanya ang motorsiklo matapos tangayin sa Barangay Pulong Buhangin at ibinenta ng suspek sa undercover agent sa halagang P10,000.
Dito na itinuro ng suspek ang kanyang mga kasamahan kaya nagsagawa ng follow-up operation ang Sta. Maria PNP at naaresto pa ang tatlong suspek bandang alas-2:50 ng madaling araw kahapon sa Barangay San Vicente at narekober sa mga ito ang walong undocumented motorcycles kabilang ang isang dilaw na motorsiklo na ini-report ding nawawala noon pang Oktubre 22 ngunit ibinebenta na pala online ng mga suspek sa FB. MARIVIC RAGUDOS