ONLINE SELLERS NG DEPED LEARNING MATERIALS PINATUTUGIS SA NBI, PNP

Rep Bernadette Herrera

KASABAY ng panawagang magsagawa ng malalimang pagsisiyasat, hinimok ng isang lady party-list solon ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na paghuhulihin ang nasa likod ng online selling ng sinasabing learning materials ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera, mismong ang DepEd ang nagsabing “unauthorized and outdated” ang learning materials na ibinebenta ngayon sa isang sikat na online selling platform.

Kaya naman iginiit ng mambabatas na dapat na masusing maimbestigahan at alamin kung sino ang nasa likod ng ilegal na pagbebenta na ito ng  printed educational materials.

Ani Herrera, maituturing din bilang isang uri ng pananabotahe sa sistema ng edukasyon ng bansa ang pagpapakalat ng mga hindi awtorisadong materyales na ito, partikular sa pagsusulong ng distance at blended learning scheme ngayong umiiral pa rin ang COVID-19 pandemic.

“It is important that we get into the bottom of this controversy because the future of the country’s public education is at stake here,” sabi pa ng kongresista.

“Those who are behind these learning materials may also be held criminally liable for copyright infringement,” dagdag pa ni Herrera.   ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.