ONLINE SELLING NAG-SIMULA SA BILIARY ATRESIA

ONLINE SELLING-7

(ni NENET L. VILLAFANIA)

PARANG pinagsakluban ng langit at lupa ang mag-asawang Kimberly Rose Racasa at Marco Carcillar nang ma-diagnose na may sakit ang kanilang nag-iisang anak na si Kendra na aapat na buwang taong gulang pa lamang.

At hindi ito basta sakit kundi ang mapa­nganib at magastos na biliary atresia, kung saan hindi tumubo ng maayos ang atay. Kinakaila­ngang magka-roon ng donor sa bata na sasailalim sa isang major operation o liver transplant, sa lalong madaling panahon.

Kakabit nito ay ang napakaraming problema. Una, kaninong liver ang ido-donate at magma-match sa bata? Pa­ngalawa, magtatagumpay kaya ang operasyon sakaling may makuhang donor? Ikatlo, paano nila aalagaan ang sakiting bata, gayong nakatira sila sa squatters’ area? At higit sa lahat, saan sila kukuha ng humigit-kumulang na tatlong mil­yong pisong halaga ng operasyon – na gagawin pa sa ibang bansa dahil walang sapat na instrumento sa Filipinas para sa pagsasagawa ng operasyon sa nasabing sakit.

Ordinaryong empleyado si Marco na kumikita ng minimum, sapat lamang sa pang-araw-araw nilang pa­ngangailangan. Tumutulong naman ang mga kapatid ni Marco na sina Diana at Mardavey, ngunit sa gastos lamang sa pagpapagamot sa bata.

Tumutulong din ang kanyang ama at ina ngunit lahat ng iyon ay hindi sapat, lalo pa at linggo-linggong kaila­ngang dalhin sa ospital ang bata.

Gustuhin man ni Kim na tumulong sa asawa ay hindi niya magawa dahil kailangan niyang tutukan ang bata. Araw-araw ay halos mawalan na sila ng pag-asa hanggang sa naisipan nilang magbenta ng T-shirt para kumita kahit paano. Namuhunan sila ng P10,000 sa tinawag nilang @Kendra Online Store, ngunit bumalik naman ito ng doble.

Nabuhayan ng loob ang mag-asawa, lalo pa at may mga gustong tumulong sa kanila upang maipagamot ang bata. May sasagot na sa P3 million, ngunit kaila­ngang pag-ipunan nila ang panggastos sa one month recovery period ng bata. Aabot din iyon ng kalahating milyon kung sakali, o higit pa.

Nagsuhestiyon ang kapatid ni Marco na si Mardavey na gawing online ang pagbebenta ng T-shirt, at dagdagan pa ng ibang produkto para mas lumaki ang kita. Si Kim ang magma-ma­nage ng online selling dahil siya ang nasa bahay, at si Marco naman ang namamahala sa production.

Sa loob ng dalawang taon, sa matiyagang pagtutulungan ng mag-asawa, ay lumago ang kanilang online business. Nakaipon sila ng sapat na halagang panggastos para sa reco­very period matapos ang operasyon, at nakalipat pa sila sa mas maganda-gandang bahay na ligtas at malinis para sa kanilang anak na sensitibo sa bacteria.

Noong August 24, nakabalik na si Kendra sa Filipinas matapos ang matagumpay na operas­yon sa India. Si Kim ang nag-donate ng atay sa anak da-hil silang dalawa ang mas compatible. Bukod dito, napagpasiyahan nilang mamalagi na lamang si Kim sa bahay upang matutukan ang pagpapalaki sa kanilang anak.

Oo nga at magaling na ito, ngunit maaaring magkaroon ng kom­plikasyon. Tututukan din niya ang kanilang online business, dahil kahit tapos na ang pa­ngangailangan ni Kendra ngayon sa P3 million, tatlong taon pa lamang ang bata na lumalaki at nangangailangan ng panggastos. Bukod dito, kailangan din siyang magpa-checkup linggo-linggo upang masigurong tinatanggap ng maayos ng kanyang katawan ang liver ni Kim.

Since they’re online people, they took advantage of the power of social media. Nag-maxi­mize sila sa Facebook.

“Sa pagtatayo ng negosyo, we believe na dapat gusto mo talaga at naniniwala ka talaga sa kung anong binibenta mo,” ani Marco. “Pero dapat legal ha. Kagaya namin, nagsimula kami dahil sa kagustuhan na­ming makaipon para kay Kendra. Naniwala ka­ming gaga­ling ang anak namin at makakaipon kami ng sapat na halaga para sa pagpapagamot niya. Suntok sa buwan noong una, dahil kung iisipin, hindi talaga namin ka­yang ipunin ang tatlong mi-lyong piso. Pero ngayong tapos na ang operasyon, okay na ang lahat at may negosyo pa kami – dahil kay Kendra. Kaya nga @Kendra Online Store.”   (photos mula sa zaayega.com, entreprenuer.com at shipstation.com)

Comments are closed.