ONLINE SELLING NG DROGA TALAMAK SA SOCIAL MEDIA

marijuana

KIDAPAWAN CITY-TALAMAK na ang drug trade sa social media na kung saan naka-post ang pinatuyong dahon ng marijuana sa North Cotabato partikular sa nasabing lungsod sa pamamagitan ng online selling.

Ito ang isiniwalat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) North Cotabato sa isinagawang City Peace and Order Council meeting ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City.

Sa kasalukuyan, pinatuyong dahon ng marijuana pa lamang ang  namomonitor ng PDEA na talamak sa online selling at may tag price na P60 hanggang P80 kada gramo.

Nabatid na online payment tulad ng G-Cash at Paymaya ang ginamit ng mga bumibili at inihahatid ng seller sa pamamagitan ng tinatawag na ‘dead drop’ na kung saan, icha-chat lamang ng supplier ang buyer kung saan ihuhulog ang marijuana sa isang partikular na lugar at oras na hindi mahahalatang may iniwang item.

Ayon pa sa PDEA, mga menor de edad ang ginagamit na runner ng online seller para maihatid ang droga sa buyer.

Sa ulat ng PDEA, ang pinatuyong dahon ng marijuana ay nagmumula sa tri-boundaries ng Kiblawan, Davao del Sur partikular sa mga bayan ng Malungon, Saranggani; Tampakan, South Cotabato at bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat. MHAR BASCO

Comments are closed.