ONLINE SELLING SCAM PINATUTULDUKAN SA KAMARA

ONLINE SCAMMER-2

ALINSUNOD na rin sa pag-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang isa sa priority measures ng administrasyon nito, nanawagan ang isang ranking House official na agarang maipasa ang House Bill No. 6122 o ang Internet Transactions Act (ITA).

Paliwanag ni Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian, chairman ng House Committee on Trade and Industry at may akda ng HB 6122, napapanahon ang pagkakaroon ng batas na magtatakda sa obligasyon at pananagutan ng alinmang eCommerce platforms, gayundin ng lahat ng online merchants, kabilang ang aspeto ng aktuwal na pag-deliver ng produkto sa inaasahan ng buyer o consumers na klase at kondisyon nito.

“We really need stricter rules to hold both eCommerce platforms and courier services accountable for damaged or lost goods purchased online. Doing so would drastically reduce the incidence of fraud and theft of goods while in transit to the consumer,” paggigiit ng Valenzuela City lawmaker.

Ginawa ni Gatchalian ang pahayag bilang reaksiyon na rin sa sinapit ng isang college student mula sa Guimaras, na umorder ng laptop unit sa pamamagitan ng online app subalit ang nai-deliver at natanggap ng huli ay tatlong piraso ng bato na nakalagay sa loob ng kahon.

Sinabi ng House panel chairman na hindi ito ang unang pagkakataon na may nabalitaan siyang reklamo ng buyer sa online selling na mali o naiiba sa produktong inorder ang natanggap.

“During these times when people are under a pandemic and relying heavily on online transactions, an enabling law that will impose stricter rules and regulations on the medium to avoid consumers from falling prey to these unscrupulous individuals is all the more needed,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.

“If we want to stop the practice of unscrupulous sellers and courier employees of replacing high value items with rocks and stones and prevent more Filipinos from being duped, we must pass the ITA sooner rather than later, especially since we foresee that online transactions will be the new normal after the pandemic,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng HB 6122, isinusulong ni Gatchalian ang pagkakaroon ng ‘tracking mechanism’ sa pagitan ng online merchant at courier kung saan dapat ay may kumpletong record mula sa pagbili, pag-deliver at pagtanggap ng buyer sa tamang oras at kondisyon ng binili nitong produkto, base na rin sa naging sales contract nila ng internet o online seller.  ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.