Naghain si Senador Win Gatchalian ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ang paglaganap ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children o OSAEC sa bansa sa layuning makapagbigay ng isang mas ligtas na online environment para sa mga kabataan.
“Mahalagang tiyakin natin na ang mga sistema ng pagbibigay proteksyon sa mga bata ay gumagana upang tugunan ang pag-uulat, pagtugon, pag-uusig, at rehabilitasyon ng mga batang biktima ng mga gumagawa ng online sexual abuse at exploitation,” sabi ni Gatchalian kasunod ng paghahain niya ng Senate Resolution 1229.
Nabanggit niya na ang Pilipinas ay lumitaw bilang isang global hotspot pagdating sa OSAEC dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng kahirapan, underdevelopment, digital payment systems, medyo mataas na English proficiency ng mga Pilipino, at mataas na demand mula sa mga dayuhang salarin na nagpapalala sa isyu.
Ipinunto pa ng senador na sa kamakailang ulat ng Scale of Harm ng International Justice Mission, halos kalahating milyong batang Pilipino ang na-traffic online sa pamamagitan ng live streaming noong 2022. Aniya, humigit-kumulang 74% ng mga kaso ng pang-aabusong sekswal laban sa mga bata ang natuklasan na ginawa ng mga taong pinakamalapit sa kanila o mga indibidwal sa loob ng “circle of trust” ng mga biktima o malalapit sa kanila tulad ng malapit na kamag-anak, mga magulang, at yaong naggigiit ng moral na impluwensya sa bata.
Gayundin, ayon sa datos mula sa Philippine National Police Women and Children’s Protection Center, mahigit 17,600 naiulat na kaso ng mga paglabag sa karapatan ng bata ang naitala noong 2023. Malaking bilang ng mga kasong ito ay pang-aabusong sekswal sa online at mga exploitation violation laban sa mga bata.
“Sa paglaganap ng OSAEC na seryosong nagbabanta sa kaligtasan at kapakanan ng mga batang Pilipino, kailangan ng Senado na tiyakin na ang lahat ng stakeholder — kabilang ang mga ahensyang nagpapatupad ng batas, pambansa at lokal na pamahalaan, at pribadong sektor– ay inuuna ang pangangalaga sa bata at sinusuportahan ang adbokasiyang lumalaban sa pananamantala sa mga bata,” diin ni Gatchalian.
Sinabi rin ng senador na may pangangailangan na palakasin ang pandaigdigang kooperasyon upang mapabuti ang pagbabahagi ng data at pag-uusig sa cross-border; mapahusay ang pananagutan ng mga digital platform, kabilang ang mga kumpanya ng social media upang maagap na matukoy at maalis ang mga tinaguriang ‘harmful content;’ at maipatupad ang komprehensibong pampublikong awareness campaign sa mga komunidad, partikular na ang vulnerable groups tungkol sa mga panganib ng OSAEC.
VICKY CERVALES